Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Nobyembre 2023
Larawan kuha ng may akda, bahagi ng Tarlac sa Central Luzon Link Expressway, 19 Hulyo 2023.
Natitiyak ko kay dami
ninyong kuwento sa araw na ito
matapos ang mahabang
"long weekend";
mula halalan
hanggang Undas
inyong pinag-uusapan,
magagandang tanawin
at pasyalang pinuntahan,
masasarap at malinamnam
na pagkaing natikman
habang binabalik-balikan
mga alaala
at gunita kapiling
mga minamahal natin.
Nguni't
hindi ba ninyo napansin
bakit kay huhusay natin
kapag mga bagay-bagay
ay papatapos
at magwawakas na rin?
Kung kailan patapos
na bakasyon,
ibig mo ay extension
dahil saka pa lamang
nararamdaman ang samahan;
kay hirap magpaalam
inaasam oras ay madagdagan
kahit kaunting sandali lang
huwag nang tigilan
kuwentuhan at tawanan;
kung kailan uwian na
saka matatagpuan
maganda at bagong
tanawin, pakiramdam
laging bitin.
Ngunit kung tutuusin,
buhay ay laging bitin
lahat ay paulit-ulit
na simulain dahil
walang natatapos
walang nagwawakas din.
Alalahanin turo
ng matatanda sa atin
huwag magsasalita
ng tapos dahil kung ating
susuriin, sa pag-alis
at paglisan natin,
tayo ma'y dumarating;
maging sa kamatayan
pananaw nati'y hindi wakas
kungdi simula ng buhay
na walang hanggan
kaya naman kapag mayroong
pumanaw, mga huling araw
nila ay puro habilin,
buhay ay kay husay.
Kaya alalahanin
bagaman ang wakas ay
nagbabadya palagi,
pagbutihin bawat sandali
upang sa bawat katapusan
mabakas mas magandang bukas!
Larawan kuha ng may-akda mula sa OLFU-Quezon City, Enero 2023.