Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Hulyo 2019
Lumang kalsada, may 300 taon bago sinilang si Kristo, patungong Petra sa Jordan. Larawan kuha ng may akda noong 01 Mayo 2019.
Matagal ko nang napatunayan Na totoo nga ang kasabihang Isang paglalakbay itong buhay; Ngunit nitong kamakailan lamang Aking napagnilayan ang higit na katotohanan.
Higit na mahalagang malaman Hindi ang landas na daraanan Na wala namang nakakaalam Kungdi sino ang yaring kasamang Makakasabay na aagapay at aalalay.
Tunay nga na isang paglalakbay ang buhay Ngunit hindi ito isang destinasyon na patutunguhan Kungdi isang direksiyon na dapat sundan Kaya ang tinuran ni Hesus noong Huling Hapunan "Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay".
Maaring maraming lugar tayong narating At marahil marami pa ang mararating Ngunit kung hindi nababago pagkatao natin Para din tayong hindi umalis at walang narating Bagkus nanatili dahil mag-isa pa rin.
Paglalakbay palabas ng sarili ang buhay Sapagkat ang hinahanap nating katuturan at kahulugan, Kailanma'y hindi matatagpuan sa ating sarili lamang O saanmang lunan kungdi sa mukha ng bawat kapwa Na katulad at kapatid natin sa yaring buhay paglalakbay.
Larawan ay kuha ni John Bonding ng Architecture & Design Magazine, 25 Mayo 2019. Mula sa Facebook.