Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Pebrero 2024
Larawan kuha ni Stefano Rellandini ng Reuters sa Manila Cathedral, Enero 15, 2015. Binatikos at binash (dapat lang) ng mga netizens mga pari noong Misa ni Papa Francisco sa Manila Cathedral nang mapansing walang tigil nilang pagkuha ng mga video at larawan, di alintana kasagraduhan ng Banal na Misa.
Ang demonyong cellphone palaging nasa loob ng simbahan hindi upang magsimba o manalangin kungdi upang tayo ay linlangin mawala tuon at pansin sa Diyos na lingid sa atin, unti-unti na nating ipinagpapalit sa demonyong cellphone na halos sambahin natin!
At iyan ang pinakamalupit na panunukso sa atin ngayon ng demonyong cellphone na ating pahalagahan mismo sa loob ng simbahan habang nagdiriwang ng Banal na Misa at iba pang mga Sakramento gaya ng pag-iisang dibdib ng mga magsing-ibig!
Isang kalapastanganan hindi namamalayan ng karamihan sa kanya-kanyang katuwiran gaya ng emergency, importanteng text o tawag na inaabangan, higit sa lahat, remembrance ng pagdiriwang: nakalimutan dahilan ng paqsisimba pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos na hindi tayo pababayaan kailanman; kung gayon, bakit hindi maiwanan sa tahanan o patayin man lamang o i-silent sa bag at bulsa ang demonyong cellphone?
Hindi man natin aminin ang demonyong cellphone ang pinapanginoon, pinagkakatiwalaan ng karamihan kaysa Diyos at kapwa-tao natin kaya pilit pa ring dadalhin, gagamitin sa pagsisimba at pananalangin!
Kung tunay ngang Diyos ang pinanaligan habang ating pamilya at mga kaibigan ang pinahahalagahan, bakit hinahayaang mahalinhan ating buong pansin ng pag-atupag sa demonyong cellphone tangan natin?
Pagmasdan sa mga kasalan sa halip ating maranasan kahulugan ng pagdiriwang, kagandahan at busilak ng lahat, asahan aagaw ng eksena demonyong cellphone kahit mayroong mga retratista naatasang kunan at ingatan makasaysayang pagtataling-puso kung saan tayo inanyayahan upang ipanalangin na pagtibayin pagmamahalan haggang kamatayan na ating tuluyang nakalimutan matapos tayo ay nalibang at nalinlang ng demonyong cellphone.
Sa bingit ng kamatayan naroon ating "last temptation" ng demonyo sa anyo pa rin ay cellphone upang sa halip na ipanalangin naghihingalong mahal natin, demonyong cellphone pa rin sa kahuli-hulihan ang hawak habang kinukunan huling sandali ng pagpanaw Diyos na ating kaligtasan, tinalikuran!