Aral sa atin ni Kobe Bryant

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Enero, 2020

Larawan mula “nappyafro”, 27 Enero 2020
Gaya ng karamihan
ako ma'y nagulantang
nang mabalitaan
biglang pagpanaw ni Kobe Bryant.
Hindi makapaniwala
tumutulo mga luha
pilit inuunawa
malagim na balita. 
Aking binalikan 
kahusayan at kagalingan
nitong si Kobe Bryant
hindi lamang basketball tatak na kanyang iniwan.
Larawan mula sa theplayerstribune.com
Hindi ko maubos maisip noon 
nang siya'y paratangan 
pang-aabuso ng isang babaeng
kawani ng hotel na kanyang tinuluyan.
Sadyang narumihan kanyang pangalan
kaya't sinikap niyang iyon ay lampasan
pumili ng bagong pangalan - Black Mamba -
taguri sa kanyang katauhan. 
Ngunit mga kaguluhan
hindi siya nilayuan
pagkatalo ng kanyang koponan
pati kanyang kasal nalagay sa alangan.
Larawan mula sa we the pvblic.
Ngunit sadyang mahusay lumaro sa buhay itong si Kobe Bryant
kanyang mga salita pinatunayan, pinangatawanan 
na ano mang negatibo, kaguluhan o kahirapan
daan at pagkakataon ng pagbangon.  
Nang siya ay mamatay
makulimlim daw ang panahon
kadiliman muli siyang sinundan
upang bumangon sa piling na ng Panginoon.
Sa kanyang paglisan wala siyang sinabi ano man
at marahil kaya tayo nasaktan at luhaan
kanyang mga aral ay ginintuang katotohanan
tagos sa ating puso at kalooban.
Larawan mula sa The New Yorker
Pamilya at mga kaibigan
pahalagahan at mahalin ng lubusan
sapagkat itong buhay walang nakaaalam
kung hanggang kailan.
Gayun din naman
sa buong buhay ni Kobe Bryant
malinaw niyang sinabuhay
itong katotohanan:
Sa buhay palaging mayroong kadiliman
ngunit nasa ating mga kamay pagpapasya 
kung mananatili sa kapanglawan o 
tatahakin landas ng kaliwanagan!