Ang kalabisan (at katatawanan)ng long weekend

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ni G. Jay Javier, shooting ng pelikula sa Fort Santiago.

Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung ano ang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.

Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.

Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!

Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.

Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.

Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.

Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!

Snapshot mula sa post ni Kier Ofrasio sa Facebook, 30 Nobyembre 2023.

Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.

Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?

Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?

Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?

Fer, fer! For real!

Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.

Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!

Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?

Larawan ng walang galawang trapik sa McArthur Highway mula sa Facebook ni Kier Ofrasio, 30 Nobyembre 2023.

Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?

Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.

O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.

Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!

“Magpa-hinga sa Diyos”

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-22 ng Enero 2019
IMG_2434

 

“Goodbye bakasyon, hello baon!”

Nakakatawang sinulat ng aking sacristan
Sa kanyang Facebook matapos ang Bagong Taon
Na tila baga pinaglulubag kanyang kalooban
Sa bakasyong papatapos na noon.
Maraming tao ngayon kapag bakasyon
Batid lamang ay puro selebrasyon
Na hindi nauunawaan diwa ng okasyon
Kaya di maglaon lumilipas lamang ito ng gayon.
lawiswistakip silim
Itong salita na bakasyon ay ating hiniram
Sa wikang Inggles na vacation na ang ugat ay Latin
Na ang ibig sabihi’y walang laman o kaya’y sairin
Upang ma-vacate o mabakante kalooban natin.
Kaya naman ang salin nito sa sariling wika natin
Ay mas malalim at nakahiling sa loobin ng Diyos natin
Noong matapos Niyang likhain lahat sa daigdig natin
Namahinga Siya at tinakda Niyang itong tawagin Sabbath.
Kaya nga kung tutuusin itong pamamahinga
Ay hindi lamang pagtigil sa maraming tungkulin at gawain
Kungdi upang sairin itong kalooban natin
At punuing muli ng hininga ng Diyos na Siyang buhay natin.
Mula nang ang tao ay palayasin sa Paraiso
Dahil sa pagkakasala ng mga ninuno natin
Sariling paningin ay pumangit din kaya’t sa Diyos
Ay nagtago matapos kagatin bawal na bunga sa hardin.
Kaya nga yaring araw ng pamamahinga ay biyaya para sa atin
Dahil kapag ito ay ating ipinangingilin nagbabalik tayo sa Eden
Diyos ay nakakapiling at muling nakakamukha natin
Dahil Espiritung pumupuspos sa atin ay Kanyang hininga rin.
Huwag sana nating limutin di lamang kahalagahan
Kungdi pati kahulugan nitong bakasyon na tayo ay hingahan ng Diyos
Upang mapuno ng Kanyang buhay na siyang gagabay
Sa ating paglalakbay hanggang sa Kanya ay humimlay habangbuhay.
raffysampaloc cove1
*Unang larawan ay kuha ng makata sa Assumption Sabbath sa Baguio; ang ikalawa ay kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7News sa Sampaloc Cove, Subic, Zambales.