Pangungusap ng Puso

Lord My Chef Daily Recipe by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 2, 19 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Nakatutuwa itong ating wika. Mabulaklak na kahit hindi ka isang makata minsa’y di sinasadya ika’y nakakatha ng kahit maigsing tula.

Madalas ating mabasa sa mga panitikan at mapakinggan saan man kuwentuhan na tila baga itong puso ay nagsasalita gayong wala naman itong bibig. Mismo ang Panginoong Jesus noon ay nagsabi na “ano man ang bukambibig, siyang laman ng dibdib” (Mt.12:34 at Lk.6:45) upang ipakita ang pagkakadugtong ng puso at bibig tulad ng kaisahan nito sa ating kamay batay sa pagninilay kahapon.

Samakatwid, nangungusap nga itong ating puso. At iyan ang ibig kong pagnilayan ngayong ikalawang araw ng ating pagsisiyam para sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus. Ito ang sinasaad sa ating napakinggan ngayong araw na bahagi ng pangangaral ni Jesus sa mga tao mula sa kanyang sermon sa bundok.

“Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ngn napakaraming salita, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa man ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo'” (Mateo 6:7-9).

Photo by Designecologist on Pexels.com

Isa sa mga madalas na itanong sa akin ng mga mag-aaral dito sa Our Lady of Fatima University bilang kanilang chaplain ay alin daw ba ang dapat nilang pakinggan, sigaw ng puso o sigaw ng isipan?

Palagi kong tugon sa kanila ay ang pabirong paalala na unahin nilang pakinggan lagi ang sigaw ng kanilang mga magulang.

Pagkaraan ng ilang tawanan, saka ko binabalik sa kanila ang tanong sa ibang anyo naman: humihiyaw nga ba ang puso gayong ang pagtibok nito ay napakahina? Hindi kaya sa pakikipag-usap sa atin nitong ating puso, ang ibig nito ay taimtim na pakikinig dahil kung ito ay mangusap, madalas ay pabulong.

Larawan kuha ng may-akda, Atok, Benguet, 27 Disyembre 2024.

Mag-imagine tayo kunwari ay naroon tayo sa bundok sa sermon ni Jesus. Siguradong malakas ang tinig niya sa pangangaral ngunit sa aking pakiwari mayroong indayog ang kanyang pananalita na kung saan minsan-minsan marahil siya ay bumubulong katulad nitong sa pagtuturo niya kung paano tayo mananalangin. Mahigpit ang kanyang bilin na huwag tutularan mga Hentil na napakaraming sinasabi sa Diyos sa pakiwaring sila ay pakikinggan. Hindi natin kailangang maging maingay at daanin sa dami ng sinasabi ang Diyos bagkus higit na mainam ang pananahimik upang mapakinggan sinasabi sa atin ng Diyos. Sinabi na ni Jesus na alam ng Diyos ating pangangailangan bago pa man tayo dumulog sa kanya sa pagdarasal. Kaya tayo nagdarasal ay upang pakinggan kalooban ng Diyos.

Kaya gumagamit ng stethoscope mga duktor at nurse kasi nga mahina ang tinig ng puso natin. At yon ang unang kinakailangan sa pananalangin – katahimikan upang Diyos ay mapakinggan!

Kung ang puso man ay humihiyaw, marahil wala na tayong masyadong alitan at mga kaguluhan dahil tiyak ating maririnig at mapapakinggan bawat pintig ng puso na iisa ang sinasabi kungdi ang tayo ay magmahal nang tunay. Ito ang buod ng “Ama Namin” at lahat ng mga panalangin. Ang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat na ating tinutugunan ng pagmamahal sa ating kapwa dito sa lupang ibabaw lalo na sa pagpapatawad sa kanilang pagkakasala sa atin.

Sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, doon ay malinaw na inihahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat ngunit walang nakikinig dahil mas nahahalina ang marami sa malalakas at maiingay na tinig ng daigdig. Ito yung ikinalulungkot ni San Pablo sa mga taga-Corinto sa unang pagbasa ngayon dahil napakadali nilang nalinlang at napasunod sa mga kakaibang turo ng ibang nangangaral sa kanila. Katulad din natin ngayon na maraming nagpapaniwala at nahahalina sa mga kung anu-anong kaisipan ng mundo gaya ng new age at wokism at iba pang mga ideya na wala nang pakialam sa Diyos at moralidad gaya ng relativism na siyang sanhi ng paniniwala sa same sex marriage at abortion.

Larawan kuha ng may-akda sa Liputan, Meycauayan, Bulacan, 31 Disyembre 2022.

Imagine din natin na first time napakinggan ang panalanging “Ama Namin.” Malamang pabulong at marahang binigkas ni Jesus ang mga titik ng panalanging ito upang tumimo ng higit sa puso at kalooban ng mga tagapakinig.

Kakaibang kaisipan noon iyon sa mga Hudyo sapagkat ang Diyos sa pagkakaalam nila ay makapangyarihan at hindi maaabot doon sa langit. Ngunit kay Jesus, malapit ang Diyos tulad ng sino mang ama sa lupa. Isang personal at mapagmahal na parang tao ang Diyos na pinakilala ni Jesus sa kanila at maging sa atin ngayon kaya mas malamang ay malumanay na malumanay ang pagbigkas ni Jesus lalo ng “Ama naming nasa langit” dahil puno ng pagmamahal at pag-galang. Hindi ba noong una tayong ma-in love ay tahimik din tayo? Hindi natin pinagsasabi yung pers lab natin?

Ayon sa mga dalubhasa sa bibliya, mas mahaba ang tala ni San Mateo sa pagtuturo ni Jesus ng “Ama namin” kesa sa bersiyon ni San Lukas; layunin anila ni San Mateo na ituro ang ating disposisyon sa pananalangin habang si San Lukas naman ang tuon ay naroon sa laman ng ating dasal.

Sa madaling sabi, pagmamahal ang disposisyon nating dapat sa pananalangin di lamang ng “Ama namin” kungdi mismo sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa na siyang paghahayag ng ating ugnayan sa Diyos.

Ang Ama namin at lahat ng pananalangin ay paghahayag ng ugnayan kaya ang mga ito ay dinarama, nilalasap dahil ito ay isang karanasan na pinaninindigan at pinatutunayan sa mabubuting gawa.

Noong bata pa tayo at wala pang kamuwang-muwang sa mga kalokohan at kasamaan ng mundo, napakadali nating napapakinggan bulong ng puso na magmahal, makipag-bati, magsorry, magsabi ng please at thank you, at maging mabuting tao. Subalit sa ating pagtanda, atin nang tinuturuan ang puso natin ng sariling kagustuhan na dapat laging sundin at pakinggan. Magsinungaling kung kinakailangan.

Masaklap na bunga nito ang ating pagkakawatak-watak. Hindi maramdaman ang ating ugnayan dahil maraming ayaw nang magmahal, ayaw nang kilalanin bawat isa bilang kapatid at kapwa sa iisang Ama nating Diyos.

Ngayong ikalawang araw sa ating pagnonobena sa Sacred Heart, matuto tayong muli na manahimik at makinig sa tinig at pintig ng puso natin upang muli tayong makiniig sa Diyos na Ama natin. Kapag muli nating ninamnam ang katotohanang ito, mapagtatanto na rin natin ang ating kapatiran sa iisang Ama kay Kristong kapatid natin.

Sa ating panahong napaka-ingay at kay dami-daming nag-aagawan sa ating atensiyon upang pakinggan at sundin, marahil ay humihiyaw na nga itong puso natin ng pabulong dahil hirap na itong maiahon ang katotohanan ng pag-ibig na ating ibinaon. Pagmasdan paanong palaging kalakip ng debosyon sa Mahal na Puso ni Jesus ang pagtitika sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos at kapwa. Kasi nga, ang magkasala ay hayagang pagtanggi natin na magmahal. Iyon ang salita at pangungusap tuwina ng puso – magmahal, magmahal, at magmahal pa rin! Manalangin tayo:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.

Nasa puso, hindi sa mga kamay ang pagiging bukas-palad

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II 
Sacred Heart Novena Day 1, 18 June 2025
Detalye ng painting ng Sacred Heart of Jesus sa Visitation Monastery, Marclaz, France mula sa godongphoto / Shutterstock.

Tamang-tama ang ating mga pagbasa sa araw na ito ng Miyerkules ng ika-labing isang linggo sa Karaniwang Panahon na nagtutuon ng ating pansin sa ating puso sa unang araw ng nobena sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus.

Ang mga aral ng Panginoong Jesus sa ebanghelyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang ating mga gawa ng kabutihan kungdi magbukal mula sa kaibuturan ng ating mga puso ang siya ring nilalagom ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto at maging sa ating lahat ngayon:

Tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan – upang may magamit sa pagkakawanggawa (2 Corinto 9:6-8).

Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Marso 2023.

Mas mainam ang salin sa Inggles ng ika-pitong talata, “God loves a cheerful giver.” Kailan ba tayo nagiging “cheerful giver” o galak na kusang loob sa pagbibigay?

Maraming pagkakataon sa buhay natin na madali tayong magbigay at magbahagi ng ano man mayroon tayo tulad ng salapi, pagkain, damit at iba pang gamit kapag tayo ay sagana sa mga bagay na materyal. Gayon din kung tayo ay panatag ang katayuan kapag walang problema at suliraning mabigat, kapag tayo ika nga ng mga kabataan ay chill-chill lamang.

Subalit, nangyayari din naman na maramot tayo maski tayo ay sagana sa buhay at panatag ang lahat. Para bang bad trip tayong tumulong maski alam naman nating mayroon tayong sapat para sa atin o walang gaanong alalahanin.

Sa kabilang dako naman, may mga pagkakataon na kahit tayo ay hindi naman saganang-sagana sa mga bagay at iba pang uri ng kayamanan ay mapagbigay pa rin naman tayo ng tulong maging ng ngiti at pakikisama. May mga panahon na napakagaan natin sa pagtulong at pagdamay kahit naman tayo mismo ay gipit ang kalagayan. At siyempre naman, hindi rin nating maikakaila na pinakamaramot at masungit tayo kapag tayo ay kapos at salat sa ano mang magaganda sa buhay.

Pagmasdang mabuti. Meron man o wala, maari tayong maging mapagbigay o madamot. Ibig sabihin, wala sa ating mga kamay o laman ng bulsa ang pagiging mapagbigay. Ito ay naroon sa ating puso!

Ang ating puso ang pinagmumulan, hindi ang ating mga kamay ang siyang dahilan at kakayanan ng ating pagiging bukas-palad bagaman ang palad ay bahagi ng kamay; sa lahat ng bahagi ng ating katawan, itong puso ang sentro ng lahat ng ating kilos at galaw maging ng pagpapasya kung kayat nasa puso ang ating buhay at sentro ng katauhan. Kapag namatay ang puso, tayo ay mamamatay. Kaya doon din sa puso nananahan ang Diyos sa atin kung saan bumubukal ating pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.

Magiging cheerful giver lamang tayo at generous o bukas-palad kapag buo tiwala natin sa Diyos na hindi Niya tayo pababayaan magbigay man tayo ng magbigay. At ito ay madarama lamang doon sa puso kung saan nananahan ang Diyos sa atin. Kapag buo ang ating pagtitiwala sa Diyos doon sa puso natin, wala tayong takot magbahagi at maging mabuti, magmahal sa kapwa maski tayo ay sakbibi ng mga sakit dahil panatag ating puso at kalooban sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.

Higit sa lahat, nagiging bukas-palad tayo at cheerful giver dahil malinaw sa atin na ano mang mayroon tayo sa buhay, ito ay sa Diyos pa rin. Ano mang pera o gamit o kabutihan ibigay natin sa iba, hindi ito mauubos ni masasaid dahil sa Diyos na walang hanggan naman ang lahat ng ito. Hindi magmumula sa kaisipan kungdi sa kaibuturan ng puso ang kaalaman at katiyakang ito.

Wika nga ni Papa Leo XIII sa kanyang sulat noong 1899 sa pagtatalaga ng sangkatauhan sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, doon aniya sa Sacred Heart natatagpuan ang tanda at larawan ng walang hanggang pagmamahal sa atin ni Jesu-Kristo kaya tayo man ay nakapagmamahal. Sino mang nagmamahal na tunay, siguradong siya ay mapagbigay ng kusa. Higit sa lahat, nagagalak palagi tulad ni Jesus.

Nawa sa unang araw na ito ng ating pagsisiyam sa Dakilang Kapistahan ng Sacred Heart sa isang linggo, suriin nating mabuti ang ating mga puso kung naroon ang pagtitiwala kay Jesus. Ating pagmasdang mabuti ating mga kamay kung ang mga ito ay naka-ugnay doon sa ating puso na siyang sentro at hantungan ng pagkakadugtong-dugtong di lamang ng ating mga kamay at braso kungdi ng lahat ng bahagi ng ating katawan. Hindi tayo makapagmamahal nang tunay, pati ating mga kamay ay tiyak titiklop at sasaradong parang galit na kamao kapag ang puso natin ay tumigas at namatay. Kaya ating idalangin:

O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.