Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Oktubre 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Shambala, Silang, Cavite, 22 Setyembre 2020.
Kay sakit isipin
sa gitna nitong COVID-19
marami pa rin sa atin
mga hirap at sakit di pansin
binibigyang daan
mga maling katuwiran kahit
mayroong nasasaktan;
pagmasdan mga karahasang umiiral
kawalan ng pakialam
sa kahirapang pinagdaraanan
pinagpipilitan maling kaisipan
kungdi kasakiman, pawang kababawan.
Hindi ba maaring pagsikapan itong kaalaman at isipan ay ibaba sa puso at kalooban bigyang daan nararamdaman upang higit na matimbang ang mas mainam na kabutihan kesa pairalin mga alituntunin na hindi sumasalamin sa tunay na katauhan natin?
Mabuti ang paghuhugas
ng mga kamay bilang lunas
at pag-iwas sa virus
ngunit kung sa katotohanan
iiwas tayo manindigan
maghuhugas kamay
upang hindi ito marungisan
mawawasak ating mga ugnayan
mapapatid ating kapatiran.
Social distancing ay mainam
ngunit huwag din nating kalilimutan
pagdadamayan, pagtutulungan;
tama ang maging abala
sa maraming mga bagay sa buhay
ngunit higit na mahalaga ang kaluluwa:
kabutihan at kagandahang-loob
ang siyang magbubuklod
papawi sa pagod, nagbibigay-lugod.
Hindi lamang medisina at bakuna
ang sagot sa ano mang pandemya
dahil ano mang sakit at karamdaman
pinagmumulan ay kasamaan
kawalan ng kaayusan sa isang may katawan;
sa puso at kalooban, malubhang kapansanan
kapag pinabayaan parang sakit sa kalingkingan
nadarama ng buong katawan, nahahawa maging sangkatauhan.
Pandemya ay lunasan ng pagmamahalan at paggalang
ibaba ang nasa isipan, dalhin sa kaibuturan
damahin, huwag isipin
makiramdam sa pintig ng ating katauhan.
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, Marso 2020.