Tinuturing siyang banal at makapangyarihan Tinutulad sa Panginoong kanyang pinaglilingkuran Kaya madalas kanyang nalilimutan Siya ma'y tao na mahina at makasalanan.
Pinili mula sa karamihan Hindi dahil sa pambihirang katangian Maliban sa kabutihan ng Panginoong sinusundan Siya ay pinag-uubra lamang.
Ikaw pari ay alagad ni Kristo Hindi ikaw ang Kristo Kaya huwag kang malilito Maski ika'y naka-abito, hindi ikaw ang sasambahin ng tao!
Dumapa, nagpapakumbaba, at sumumpa Buong buhay ilalaan, puso walang ibang laman Kungdi si Kristo ang tanging yaman Hindi tawag ng laman o ng sanlibutan.
Pangakong ipagdiriwang mga sakramento Tinatalikuran kung wala o maliit matatangap na istipendo; Umoo na ipapahayag at isasabuhay salita ng Diyos Ngunit sa pulpito parang loro Mga komentaryo sa radyo at peryodiko ang kabisado.
Hindi nag-aasawa upang mamuhay kaisa si Kristo Magiging masunurin, mamumuhay ng payak Ngunit sa kanyang mga gayak agad matitiyak Maraming layak: kungdi babae, lalake na kunwa'y palaki O dili kaya'y ampon na kamukha naman paglaki!
Mula sa Google.
Ano ang nangyari at tila kaluluwa'y ipinagbili Pari naging makasarili, puri sinasantabi Sinasanto lamang kanyang sarili Bawat utos hindi nababali, bawat naisin naikakatwiran?
Itong ating pintakasi ang nagsabi Ang pari ay paalala ng Krus na siya ring ating hugis; Alin lamang sa dalawa ang maaring mangyari: Ika'y buong-buo sa Diyos o ika'y buong-buo sa sanlibutan?
Huwag nating kalilimutan, higit sa "tawag" ng pagpapari Ay ang "tumatawag" sa ating Punong Pari: Ika'y pari ni Kristo, hindi artista na kailangan ng gluta; Sapat na ang maging pari ni Kristo, hindi kailangan ng monumento; Higit sa lahat, hindi tayo ang aalalahanin ni gagayahin Kungdi si Hesus na Panginoong natin.
Kayong mga madla, huwag ninyo kaming sambahin Sapat na kami'y bigyan ng malamig na inumin, Tanggapin, at higit sa lahat, ipanalangin; Sapagkat kung tutuusin, kaming mga pari ay katulad ninyo rin Mga aliping walang kabuluhan na tumutupad lamang sa tungkulin (Lukas 17:10)!