Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 20 Hulyo 2019
Mula sa Google.
Noong ako'y bata pa Aking pinagtataka Bakit "mabait" ang tawag ni Ina Sa mga daga?
Ngayong ako'y matanda na Aking napagtanto ganyan din mga tao Tinuturing nating mababait Parang bubwit kahit maliit ay buwisit.
Mabait daw ang tahimik at walang imik Mga salitang sinasambit suwabe at walang sabit Ngunit kung makapanlait Malalasap pait ng kanilang pag-iisip.
Bulang-gugo kanilang mga kamay sa pagdamay Hindi nakikipag-away kaya ating palagay Sila'y makakasabay at laging aalalay Ngunit sa paninindigan sila'y sablay.
Iyan ang malaking kaibahan ng mabuting tao: May paninindigan kaya laging nakikipaglaban Para sa katotohanan, katarungan, at kabutihan Magalit ka man o sino pa man.
Sigurado sa sarili ang taong mabuti Hindi nagpapadala sa mga sabi-sabi May busilak kanyang puso at kalooban Kung saan nananahan katarungan at pagmamahal.
Ang bait ng tao naroon sa kanyang isipan Ngunit hindi sapat kung talino lamang ating sasandigan Sapagkat maraming katotohanan Na tanging puso lamang ang nakatatalos.
Si Hesus na tanging Mabuti ang nagsabi Mapapalad ang mayroong malinis na puso At makikita nila ang Diyos Dahil silang mabubuti ang handang mapako sa krus.
2 thoughts on “Magkaiba ang Mabait at Mabuti”