Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-18 ng Hulyo 2019
Tuwing tag-ulan Aking binabalikan Paliligo sa ulan Noong aking kamusmusan.
Bakit nga ba sa ating katandaan Hindi na tayo makapaligo sa ulan? Dala ba ng makabagong panahon At iba na ang ating laruan at kasiyahan?
Tayo nga ba ay maselan Dahil marumi na ang ulan? Hindi ba ito ay ating kagagawan Winasak natin magandang kalikasan?
Aking pinaka-iibig kapag umuulan Tubig mula sa kalangitan, pinakikilig aking kaibuturan Bibig dinidilig, pisngi'y dinadampian Habang mukha'y nakatingala kay Bathala.
Ito ang kagandahan at kabutihan Ng paliligo sa ulan Muli nating nararamdaman ating kalikasan Ganan ng ating katauhan.
Nagbabadyang ulan, kay sarap pagmasdan. Aking inaasam-asam, paliligo sa ulan sana’y maisakatuparan!