Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-16 ng Abril 2019
Ngayong Semana Santa aking naalala Aking nabasa isang tunay na istorya Tungkol kay Santa Mother Teresa Noong nabubuhay pa siya sa Calcutta.
Minsan daw isang alaga nilang kulang-kulang Sinidlang bigla ng galit na di maintindihan Krusipihiyo sa dingding nabalingan ng pansin Ibinato sa Santa nating taimtim nananalangin.
Walang nakapansin nang ito'y kanyang gawin At nang ito'y pulutin ng butihing Mother natin Nakita niyang bali-bali ngunit nakapako pa rin Si Kristong Panginoon natin.
Larawan mula sa Google.
Kanyang pinagdikit-dikit bali-baling katawan Na parang nabendahan tulad ng isang sugatan Saka inutusan ng madreng maalam kanyang mga kasamahan Kanyang tinuran sa kanila, mahigpit na tagubilin:
Isabit muli sa ating dingding nabaling Krusipihiyo natin At inyo ring idikit kalapit yaring panalangin, "Hayaan po ninyo Panginoon na paghilumin Nitong aking mga kamay nawasak mong katawan."
Larawan ng mosaic sa kripta ng Katedral ng Maynila. Kuha ni Arch. Philip Santiago, Oktubre 2016.
Ito ang aral na lagi nating pakantandaan Kaya minsan-minsan dapat nating pagnilayan Paano nasugatan at patuloy nating sinasaktan Ng ating mga kasalanan yaring Mahal na Katawan.
Sa naturang kuwento ng ating banal Kanyang dasal sana'y di lamang natin mausal Katulad niya'y ating maisabuhay Paano ating mga kamay makakaramay.
Mula sa Google.
Mga kamay ni Hesus sa krus katulad ay tulay Nag-uugnay, nagbibigay-buhay Sa mga handang abutin Diyos at kapwa natin Sa pag-ibig na walang kapalit na hinihiling.