Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-25 ng Marso 2019

Minsan ako'y nainip
Walang maisip kaya nanaginip
Sa pagbabaka-sakaling makamit
Sari-saring mithi maging pagngingitngit.
Sa gitna ng aking mga lakbay-diwa
Aking nabatid malaking pagkakaiba
Nitong panaginip at pangarap
Na tila baga ay iisa.
Kapag nananaginip
Madalas isipa'y nasa himpapawirin
Bahala na kung saan makarating
Basta masiyahan kalooban natin.
Napakadaling managinip
Dahil mga mata lamang ay ipipikit
At dagliang sasagitsit
Mga pantasyang katha ng isip.
Ang taong nangangarap o yaong may pangarap
Malalim kanyang nilalayon at hinahangad sa hinaharap
Inaapuhap kung paanong matutupad
Kaganapan ng pangarap sa kinabukasan.
Sino mang nangangarap o basta mayroong pangarap
Kanyang diwa ay tiyak na matalas
Mga mata'y laging nakadilat at gising
Handang abutin at tamuhin mga tanawing siya lamang nakatingin.
Nasasalamin sa buhay natin kung tutuusin
Ang mas hilig gawin natin:
Ang managinip at magising
O mangarap at tupdin misyon natin.
