Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-18 ng Marso 2019

Panginoong aming mahal
Sa panahong itong banal
Aming dalangin kami'y palayain
Sa mga sala na umaalipin sa amin.
Ito ang iyong misyon at hangarin
Nang iyong sabihin at ganapin yaring propesiya:
"Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon;
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya."
Kami Panginoon ang mga bihag na iyon
Alipin ng mga kasalanan at kasamaan
Madalas hindi namim nalalaman
Kaya kami'y tulungan manhid na budhi ay mabuksan.
Kadalasan ika'y aming nalilimutan
Sa aming pagkagahaman sa atensiyon at kayamanan
At kung minsan nama'y tinatalikuran
Sa aming kapalaluan na huwag kaming mapapangunahan.
Marami pang ibang pagkakataon
Hindi ka namin nililingon Panginoon
Dahil lagi kaming nakatuon
Sa mga sariling pagkagumon.
Tulungan po ninyo kami, O Panginoon
Na aming matunton iyong mga panuntunan;
Huwag nawa kaming pakatiwala sa aming mga tuntungan
Dahil ang totoo'y munti lamang ito'ng mundo na aming alam.
Isang katatawanan, laging huli na kung aming malaman
Sa aming mga kasalanan wala pala kaming tunay na kalayaan
Bagkus pawang mga nalinlang ng sandaling kaligayahan
Kaya't kami'y mga bihag at alipin lamang.
