Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Marso 2019

Kuwaresma.
Kuwarenta dias ng paghahanda
Bawat araw balot ng hiwaga
Ng mga salita nagmumula
Sa ating Bathala.
Apatnapung araw ng pagtitiis
Maraming naiinis, naiinip
Ayaw subukang namnamin ang tamis
Dahil ang lahat ay pinabibilis.
Ang susi ay naroon sa ating budhi
Kung tayo ay makapananatili ng ilang sandali
Sa bawat araw ng ating paglagi
Kapiling ating Hari na kanyang sarili ibinahagi.
Tuwing kuwaresma
Ating kinukuwenta mga ligayang ipinauubaya
Ngunit di natin alintana
Biyaya at pagpapala kapag tayo’y nagpaparaya.
Akala kasi natin tayo ay nawawalan
Sa paghuhunos dili, pag-aayuno
At iba pang mga gawain ng kabanalan
Gayong ang totoo, napupuno tayo ng Espiritu Santo.
Kung tutuusi'y isang munting Kuwaresma
Itong ating buhay araw-araw
Ating pananaw namumulat na pinakamahalaga
Hindi ang ating taglay kungdi ang ating inaalay at binibigay.
