Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Nobyembre 2018

Minsa’y nagmisa ako sa aming mababang paaralan
At sa aking panimula aking nausisa mga bata
Kung ilang araw na nga lang ba ang Pasko?
Nag-uunahan, nakangiti na tila baga bumabati
At kasali sa laban o bawi, buong galak nilang sinabi
“41 days before Christmas!”
Ako’y nagulat, kanila pala’ng inaabangan
Araw ng Pasko kaya’t bilang nila kung ilang araw na lang
Habang ako nama’y nagulantang sa gayong katotohanan.
Bakit nga ba tayo sabik sa araw ng Pasko?
Ano nga ba ating inaabangan
Palagi tayong mayroong countdown?
Kung ang Pasko ay isang petsa nga lang,
Bakit hindi na lang tayo magbilangan
Bagong Taon pa lamang?
Madalas sa ating karanasan
Tayo ma’y natitigilan kinagabihan ng Pasko
Lalo na’t nagkaubusan ng pagkai’t mga pamaskong pinaghandaan.
Ito nga lang ba ang dahilan at kahulugan ng Kapaskuhan?
Lahat ng kaabalahanan at kapaguran sa paghihintay
Di malaman kung napasaan?
Kung ating pagninilayan diwa ng Pasko
Araw-araw itong maipagdiriwang kung sa puso natin sumisilang
Itong si Hesus at hindi sa sabsaban.
Higit sa petsa ng Kanyang kapanganakan
Ang Pasko ay isang kaganapan nang makialam
Sa ating kaguluhan ang Diyos na walang hanggan;
Kanyang pinunan, ating kakulangan
Binigyang saysay buhay nating walang kabuluhan
Upang tayong sinilang sa kasalanan, magkaroon ng kabanalan.
Mamuhay tayo’ng lagi sa Kanyang kapanatilihan
Upang ngayon pa lamang ay maranasan hatid Niyang kagalakan
Kesa ito’y abangan at malibang sa pagbibilang ng petsa at buwan.

Larawan ay kuha ng may-akda, Belen ng Manor House sa Camp John Hay, Baguio, Nobyembre 2017.