Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-01 ng Enero 2019

Maraming pong salamat
Mga ginigiliw kong tagatangkilik
Nitong dati kong panaginip
Maisatula aking mga tilamsik ng pag-iisip.
Madalas tuwing bagong taon
Sa pagharap natin sa mga paghamon
Lagi nating tugon ay new year’s resolution
Na kalauna’y mga pangakong nababaon.
Hindi tayo makakasulong taun-taon
Kung parati mayroon tayong mga rason
Alibi at mga dahilan para bigyang katwiran
Iba’t ibang sitwasyon kaya tayo hindi makaahon.

Bagong taon, bagong panahon
Bawat pagkakataon ay isang paghamon
Ng pagpapakatotoo sa ating pagkatao
Kung ibig nating lumago, iwanan nakaraan,
Mamuhay sa kasalukuyan, pag-aralan mga dating kamalian;
Mga sugat nating kinasaktan, huwag nang takpan
Bagkus pahanginan sa kasalukuyan upang tuluyang gumaling
Para ating maibaling mga paningin sa mga dapat gawin at ayusin.
Bagong taon, bagong panahon
Pumalaot sa mga dakong di nasusubukan o napupuntahan
Magsagwan kung kinakailangan
Sa gitna nitong ilog ng buhay na walang katiyakan
Maliban sa tahakin landas ng kabutihan at kababaan
Tulad ng pananalangin sa awa at habag ng Maykapal;
Hindi magtatagal lahat ng ating pagpapagal
Sa ati’y dadatal mga dasal nating inuusal.
*Larawan ay obra ng Bulakenyong pintor na si Aris Bagtas; pinili ko ang larawang ito upang maipakita ang pakikibaka ng may tuwa sa bagong taon ng 2019. Ginamit ng may kapahintulutan.



