Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Sacred Heart Novena Day 1, 18 June 2025

Tamang-tama ang ating mga pagbasa sa araw na ito ng Miyerkules ng ika-labing isang linggo sa Karaniwang Panahon na nagtutuon ng ating pansin sa ating puso sa unang araw ng nobena sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus.
Ang mga aral ng Panginoong Jesus sa ebanghelyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang ating mga gawa ng kabutihan kungdi magbukal mula sa kaibuturan ng ating mga puso ang siya ring nilalagom ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto at maging sa ating lahat ngayon:
Tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan – upang may magamit sa pagkakawanggawa (2 Corinto 9:6-8).

Mas mainam ang salin sa Inggles ng ika-pitong talata, “God loves a cheerful giver.” Kailan ba tayo nagiging “cheerful giver” o galak na kusang loob sa pagbibigay?
Maraming pagkakataon sa buhay natin na madali tayong magbigay at magbahagi ng ano man mayroon tayo tulad ng salapi, pagkain, damit at iba pang gamit kapag tayo ay sagana sa mga bagay na materyal. Gayon din kung tayo ay panatag ang katayuan kapag walang problema at suliraning mabigat, kapag tayo ika nga ng mga kabataan ay chill-chill lamang.
Subalit, nangyayari din naman na maramot tayo maski tayo ay sagana sa buhay at panatag ang lahat. Para bang bad trip tayong tumulong maski alam naman nating mayroon tayong sapat para sa atin o walang gaanong alalahanin.
Sa kabilang dako naman, may mga pagkakataon na kahit tayo ay hindi naman saganang-sagana sa mga bagay at iba pang uri ng kayamanan ay mapagbigay pa rin naman tayo ng tulong maging ng ngiti at pakikisama. May mga panahon na napakagaan natin sa pagtulong at pagdamay kahit naman tayo mismo ay gipit ang kalagayan. At siyempre naman, hindi rin nating maikakaila na pinakamaramot at masungit tayo kapag tayo ay kapos at salat sa ano mang magaganda sa buhay.

Pagmasdang mabuti. Meron man o wala, maari tayong maging mapagbigay o madamot. Ibig sabihin, wala sa ating mga kamay o laman ng bulsa ang pagiging mapagbigay. Ito ay naroon sa ating puso!
Ang ating puso ang pinagmumulan, hindi ang ating mga kamay ang siyang dahilan at kakayanan ng ating pagiging bukas-palad bagaman ang palad ay bahagi ng kamay; sa lahat ng bahagi ng ating katawan, itong puso ang sentro ng lahat ng ating kilos at galaw maging ng pagpapasya kung kayat nasa puso ang ating buhay at sentro ng katauhan. Kapag namatay ang puso, tayo ay mamamatay. Kaya doon din sa puso nananahan ang Diyos sa atin kung saan bumubukal ating pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.
Magiging cheerful giver lamang tayo at generous o bukas-palad kapag buo tiwala natin sa Diyos na hindi Niya tayo pababayaan magbigay man tayo ng magbigay. At ito ay madarama lamang doon sa puso kung saan nananahan ang Diyos sa atin. Kapag buo ang ating pagtitiwala sa Diyos doon sa puso natin, wala tayong takot magbahagi at maging mabuti, magmahal sa kapwa maski tayo ay sakbibi ng mga sakit dahil panatag ating puso at kalooban sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.
Higit sa lahat, nagiging bukas-palad tayo at cheerful giver dahil malinaw sa atin na ano mang mayroon tayo sa buhay, ito ay sa Diyos pa rin. Ano mang pera o gamit o kabutihan ibigay natin sa iba, hindi ito mauubos ni masasaid dahil sa Diyos na walang hanggan naman ang lahat ng ito. Hindi magmumula sa kaisipan kungdi sa kaibuturan ng puso ang kaalaman at katiyakang ito.

Wika nga ni Papa Leo XIII sa kanyang sulat noong 1899 sa pagtatalaga ng sangkatauhan sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, doon aniya sa Sacred Heart natatagpuan ang tanda at larawan ng walang hanggang pagmamahal sa atin ni Jesu-Kristo kaya tayo man ay nakapagmamahal. Sino mang nagmamahal na tunay, siguradong siya ay mapagbigay ng kusa. Higit sa lahat, nagagalak palagi tulad ni Jesus.
Nawa sa unang araw na ito ng ating pagsisiyam sa Dakilang Kapistahan ng Sacred Heart sa isang linggo, suriin nating mabuti ang ating mga puso kung naroon ang pagtitiwala kay Jesus. Ating pagmasdang mabuti ating mga kamay kung ang mga ito ay naka-ugnay doon sa ating puso na siyang sentro at hantungan ng pagkakadugtong-dugtong di lamang ng ating mga kamay at braso kungdi ng lahat ng bahagi ng ating katawan. Hindi tayo makapagmamahal nang tunay, pati ating mga kamay ay tiyak titiklop at sasaradong parang galit na kamao kapag ang puso natin ay tumigas at namatay. Kaya ating idalangin:
O Jesus na mayroong
maamo at mapagkumbabang Puso,
Gawin Mong ang puso nami'y
matulad sa Puso Mo!
Amen.


