Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Enero 2020
Hindi pa tapos ang Pasko ngunit iyo na bang napagtanto ano hanap o nais mo sa bagong taong ito?
Tayong lahat ay katulad ng mga Pantas o Mago na naghanap sa Kristo nang sumilang ito noong Pasko.
At iyon ang tunay na karunungan hanapin sa kaitaasan ang kalaliman nitong buhay na sa Diyos lamang matatagpuan.
Mula sa Silangan tinuturing silang puno ng karunungan kalangitan ay palaging tinitingnan ng mga palatandaan sa buhay nagpapayaman.
Kaya kung mga Pantas tutularan tatlong bagay ating kailangan upang tala ay masundan at si Kristo ay matagpuan:
Una'y huwag matakot sa mga kadiliman ng buhay sapagkat mga bituin ay maningning kapag kalangita'y balot sa dilim.
Sa bawat kadiliman ng buhay may pagkakataong binibigay upang makapagdasal at magnilay makagamay direksiyon ng patutunguhan.
Sa pananalangin dinadalisay puso at kalooban upang sarili maialay kapalit ng minimithing makakamit magpapayaman sa katauhan.
Ganito ang takbo nitong ating buhay ano man iyong gusto at hanap hindi basta nakakamit dapat magsumakit.
Ngayon pa lamang sa epipanya ng Panginoon landas ng kanyang kalbaryo at krus agad nang matatagpuan sa siya ring landas na sinundan ng mga Pantas ng Silangan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Enero 2020
Belen sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Carmel, Lungsod Quezon, 30 Disyembre 2019.
Ikalawa ng Enero binati ko ng “Maligayang Pasko” magandang kahera ng paradahan sa Trinoma.
Ngumiti at bumati sabi ng binibini, “Happy New Year! Tapos na po ang Pasko” kanyang nawika mula sa munti niyang bintana.
Nagpaliwanag ako habang binibilang niya aking bayad: “Miss hindi pa tapos ang Pasko; kaya may bagong taon sinilang kasi si Kristo.” Bakita nga ba tayo ganito turing sa Pasko isang petsa sa kalendaryo kaya pagsapit na Enero a-primero akala’y tapos na ito?
Sana’y ating mapagtanto na isang kuwentong nagpapatuloy sa pamumuhay nating mga Kristiyano itong Pasko nang ang Diyos ay maging tao.
Kapag ang Pasko ay tinuring nating isang bilang lamang ng mga araw at buwan maski ilang libong taon pa iyan – pagsusuma at pagtutuos lamang hahantungan. Magkano napamaskuhan o mayroon bang Christmas bonus diyan mga katanungan pumapailanlang pagsapit ng Kapaskuhan sa karamihan.
Diwa at kahulugan ng pagsilang ni Hesus tiyak malilimutan kapag sarili lamang ating tiningnan kaya ating minamadali pati pagbati ng happy new year muli.
Hanaping muli si Kristo sa Pasko at tiyak ating matatanto di natatapos pagdiriwang na ito na kailangan nating ihatid palagi si Kristo sa ating mundo!
Mamuhay sa kasalukuyan, pag-aralan mga dating kamalian;
Mga sugat nating kinasaktan, huwag nang takpan
Bagkus pahanginan sa kasalukuyan upang tuluyang gumaling
Para ating maibaling mga paningin sa mga dapat gawin at ayusin.
Bagong taon, bagong panahon
Pumalaot sa mga dakong di nasusubukan o napupuntahan
Magsagwan kung kinakailangan
Sa gitna nitong ilog ng buhay na walang katiyakan
Maliban sa tahakin landas ng kabutihan at kababaan
Tulad ng pananalangin sa awa at habag ng Maykapal;
Hindi magtatagal lahat ng ating pagpapagal
Sa ati’y dadatal mga dasal nating inuusal.
*Larawan ay obra ng Bulakenyong pintor na si Aris Bagtas; pinili ko ang larawang ito upang maipakita ang pakikibaka ng may tuwa sa bagong taon ng 2019. Ginamit ng may kapahintulutan.