Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Abril 2026

Mula sa Ebanghelyo
ni San Mateo noong Magdamagang
Pagdiriwang ng Pasko
ng Muling Pagkabuhay ni Kristo,
ating napakinggan pananalita
ng anghel kina Maria Magdalena
at ang isa pang Maria na kasama niya,
"Huwag kayong matakot;
alam kong hinahanap ninyo
si Jesus na ipinako sa krus.
Wala na siya rito..."
Ngunit kagabi pa man
ako ay natatakot na
sapagkat sa mga marami
kong nakita sa social media,
tila wala na nga si Jesus rito...
mula pa man noong visita iglesia,
sa pagpuprusisyon noong
Biyernes Santo hanggang sa
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng
Muling Pagkabuhay:
Wala na nga si Jesus rito
dahil hindi lamang natin siya
muling ipinako at pinatay sa krus
kungdi tinabunan ng ating
kapalaluan at kaartehan
sa pagdiriwang ng mga Mahal na Araw.
Hindi masama pagandahin
at pagbutihin altar ng repositoryo
sa visita iglesia ng Huwebes Santo
ngunit nasaan si Kristo na dinadalaw
at sinasamahan sa pananalangin
sa gitna ng kadiliman kung ang
nakapupukaw pansin sa mga tao
ay ang gayak at mga palamuti
na di na natin alintana
pagkakahati-hati at pagkakawatak-watak
nating mga alagad
tulad noong dakpin si Jesus
dahil naging paligsahan
saan mas maganda
ang visita iglesia
nawala na nilalayong
mailapit ang tao sa Diyos
at kapwa gaya ng panalangin
noon ni Jesus sa Getsemani,
"ut unum sint."
Sakit ito sa maraming simbahan
lalo na sa Bulacan
na marahil siyang ginaya
ng mga korap sa DPWH
na kahit buo ang simbahan,
gigibain upang pagandahin,
punuin ng kanya-kanyang
monumento at alaala ng kura
kaya wala na ring kalagyan
maging ang Diyos
sa kanyang tahanan,
hindi siya maramdaman
daig pa ng walang hanggang
mga sobre na ayaw nang
lagyan ng laman dahil
puro iyon na lang
ang tunay na
nadarama at iniinda
ng mga nagsisimba.
Tapos na mga pagdiriwang
ng mga Mahal na Araw
ngunit mahalagang pag-usapan
at liwanagin ngayon pa lamang
mga kalabisan
tuwing Huwebes Santo
at Biyernes Santo
dahil palala nang palala mga ito,
tumatanda tayo ng paurong
hindi pasulong kaya hanggang
ngayon lugmok ating bansa sa
kabulukan sa kabila ng maraming
mananampalatayang Kristiyano
na hindi naman nakita pa si Kristo.
Nakakahiya at nakakasuka
kung bakit pinayagan ng ilang
pari at obispo pumasok kamalayan
ng turismo at pagkakakitaan
sa mga pagdiriwang sa simbahan;
nasaan mga dalubhasa
sa pagtuturo ng liturhiya
higit sa lahat ng katesismo
na siyang layunin ng mga prusisyon
lalo na kung Biyernes Santo?
Hindi mo na malaman kung
deboto o debobo mga camarero
at mga tao sumusunod sa mga karo
na pagkakatayog-tayog
pilit inaabot mga kawad ng kuryente
at telepono na tila baga walang
ibang hilig kungdi ang "like"
sa social media;
walang maramdamang rubdob
ng pagkakabighani o
"mysterium fascinans"
sa pagdaraan ng prusisyon
dahil wala nang taglay
na ibayong hiwaga ng kabanalan -
ang "mysterium tremendum" -
bagkus sa halip ay katatawanan,
pagtataka at pagkalito hatid ng mga
kung anu-anong pinapakita sa karo
kaya hindi kataka-taka balang araw
bumaba muli isang anghel
at sabihin sa mga prusisyon
"wala na Siya rito."
Wala na nga si Jesus
sa prusisyon dahil kanyang
mga alagad ngayon
hindi lamang inaantok
kungdi tinatamad magdasal
kaya nagsasapawan
hindi na maintindihan
naka-record na pagrorosaryo;
nasaan ang pananalangin
mula sa puso? ang sakripisyo
ng prusisyon?
Wala si Jesus sa MP3
o ano mang naka-record
na pagdarasal ng Rosario
dahil si Jesus naninirahan
sa puso ng nananampalataya
na inihahayag sa kanyang
bibig at mga labi;
pati ba naman pananalangin
ibig pa nating pagaangin?
Ang masakit na katotohanan
sa maraming prusisyon
ginawa itong piknik sa walang
tigil na pagkain at pag-inom
habang nakahanay mga
deboto at debobo
kasabay nang walang tigil na
pagpitik ng selfie na tila
rumarampa kanilang mga
Poon!
Nang muling mabuhay
si Jesus at napakita sa
mga alagad,
habilin niya sa kanila
ipahayag sa lahat ng bansa
Kanyang Mabuting Balita
ng kaligtasan;alisin na natin
mga bato dumadagan
sa kanyang katotohanan,
lumabas tayo sa ating yungib
ng pagkamakasarili,
magnilay at pag-isipan
paano muling matagpuan
si Jesus na muling nabuhay
sa ating magagandang tradisyon
na labis nang tinatabunan
winawasak ng mga
makabagong teknolohiyang
hatid ay kababawan alang-alang
sa bonggang mga palabas lamang
walang lalim,
hungkag ang kalooban
kung saan
malinaw na
wala nga
si Kristo.
Amen.

Tingnan din ating blog sa mga deboto at debobo, https://lordmychef.com/2020/02/11/deboto-debobo/.