Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Oktubre 2025

PANALANGIN KAY SAN JUAN APOSTOL AT EBANGHELISTA KAUGNAY NG MGA BAGONG SANTO NG SIMBAHAN: PAPA JUAN PABLO II at PAPA JUAN XXIII
Mula Hunyo 2011 hanggang Pebrero 2021 ay naglingkod ako bilang kura paroko ng Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan bago nalipat bilang chaplain ng Our Lady of Fatima University (OLFU) at Fatima University Medical Center (FUMC) dito sa Valenzuela City.
Iyon ang una at marahil huli ko nang assignment na parokya sa loob ng dalawamput-pitong taon ko sa pagkapari. Masaya ako at fulfilled sa lahat ng aking mga assignment ngunit mayroong kakaibang karanasan sa parokya di tulad sa mga paaralan na dalawang ulit ko nang napupuntahan.
Ibig ko noong mahalin at pahalagahan ng mga taga-Bagbaguin ang kanilang Patron na sabi ko nga ang siyang minamahal na alagad din ng Panginoon. Noon namin sinimulan araw ng debosyon kay San Juan Apostol tuwing araw ng Martes.
Noong 27 Abril 2014 na isang Divine Mercy Sunday, ginanap sa Roma ang canonization ng dalawang makabagong Santo Papa na kapwa kapangalan ng aming Patron, sina San Juan XXIII at San Juan Pablo II. Kaya minabuti ko na sumulat noon ng panalangin aming dinarasal tuwing araw ng Sabado upang maranasan ng mga mananampalataya ang bisa ng pananalangin ng tatlong San Juan para sa kanila: San Juan Apostol na kapistahan ay tuwing Disyembre 27, San Juan XXIII tuwing Oktubre 11 at San Juan Pablo II tuwing Oktubre 22.
Para sa mga ibig magkaroon ng debosyon sa tatlong San Juan ng Simbahan, narito aking panalangin:
Minamahal naming Patron na Banal,
Juan Apostol at Ebanghelista po ang inyong ngalan!
Ngayo'y aming ipinagdiriwang sa buong Simbahan
dalawang bagong Banal: Kapwa sila pastol ng kawan,
nang manungkula'y pangalan mo ang hiniram.
San Juan Beinte-tres nang sa kanyang katandaan tulad mo,
Sinikap maging makabuluhan at buhay na palatandaan ng Diyos
sa gitna ng makabagong panahon itong Inang Simbahan
nang kanyang simulan ang Ikalawang Konsilyo sa Vatican.
Kasabay niyang tinanghal bilang Banal
ang tinaguriang Dakilang San Juan-Pablo Ikalawa;
Labis na pagtitiis ang kinamit sa kanyang sakit,
Krus ay sinapit, katulad mo’y naging malapit
sa Ina ni Hesus kaya’t “Totus Tuus” ang kanyang awit.
Itulot mo aming Mahal na San Juan Apostol at Ebanghelista,
kaming iyong mga anak sana’y matularan,
pinagsikapan ng dalawang bagong San Juan:
pamilya’t sambayanan mabuklod sa nagkakaisang pag-ibig
katulad ng dalangin ni Hesus doon sa Huling Hapunan. AMEN.
San Juan Ebanghelista, ipanalangin mo kami.
San Juan Beinte-tres, ipanalangin mo kami.
San Juan-Pablo Ikalawa, ipanalangin mo kami.
