Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Abril 2019
Larawan mula sa Google.
Papatapos na ang Kuwaresma Malapit na ang Semana Santa Halina't magtika sa ating mga pagkakasala Upang madama dakilang pag-ibig Niya.
Minsa'y aking nakita estatwa sa karosa Paglalatigo sa haliging bato ni Hesu-Kristo; Natigilan at nagmuni-muni ako Pinagnilayan kaawa-awang larawan.
Ayon sa kuwento sa ebanghelyo Ng minamahal na disipulo ni Kristo Nagkakagulo mga tao kaya natakot si Pilato Na palayain si Kristo sa mga bintang na di totoo.
Naramdaman ko sa pagninilay ko Pagbabakasakali ni Pilato Kung ipahampas niya sa haliging bato Baka maawa mga tao kay Kristo.
Simbahan ng Sagrada Familia, Barcelona, Espana. Kuha ni Arch. Philip Santiago, Oktubre 2018.
Nagkamali si Pilato, hindi nabago mga lilo Kaya binabaran ko tagpong ito sa praetorio Sinikap kong sulyapan habang pinagninilayan Sugatan niyang katawan labis pinagmalupitan.
Sa aking katahimikan at kalungkutan Aking napakinggan kanyang tinuran: "Masdan kagagawan tuwing katotohanan Ay hindi ninyo mapangatawanan."
Natigilan ako, totoo ba aking napakinggan Muli sa aki'y tinuran ng Poong sugatan: "Hindi naman ako talagang inyong sinasaktan Sa ginagawa ninyong mga kasalanan."
Sa katahimikan nitong aking pagninilay Ako nasaktan nang makita siyang duguan Sa mga mata niyang malamlam aking ramdam Kanyang habag at kaamuhan.
Ginawa ni Pilato alalaong-baga Sa kasabihan nating mga Filipino Ay namangka sa dalawang ilog Kanyang pinagsabay mga bagay na magkahiwalay.
Hindi makapamili kung susundin ang budhi Nahihirati sa kiliti ng ilang sandali Hindi alintana mga sugat at hapdi Lalo lamang tayo nasasawi.
Halina't magsuri ng maigi Baka tayo ma'y ganyan ang gawi at ugali Katotohanan at kabutihan hindi kayang panindigan Inaasam kusang bubuti masamang kalagayan.
Ipahahampas mo ba muli si Kristo Sa haliging bato ng ating pagkalito? Hahatol ka ba tulad ni Pilato Na tiyak naman tayo ang talo?