
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-08 ng Enero 2019
Kung tawagin ito sa Inggles ay dream
Ngunit kung ating tutuusin sa wika nati’y
Kahulugan ay mas malalim.
Panaginip kung tawagin
Mga pangitain at gunitain
Nakita natin pagkagising.
Ngunit kung adhikain o mithiin ang ibig mong sabihin
Bagamat sa Inggles ito ay dream
Sa wika nati’y pangarap ang turing.
Mga panaginip kadalasa’y basta lamang sumasagitsit
Bagamat bunsod ng ating pag-iisip
Na tila baga laro laro lang sa ating isip.
Ngunit ang pangarap ay higit pa sa ating naiisip
Dahil ito kadalasan ay nakadikit at malapit
Sa pintig at saloobin nitong puso at damdamin.
Mas nagkakatotoo ang pangarap
Dahil ito ay pananaginip ng gising
na bawat mithiin at adhikain ay pilit tutuparin.
Ngayong 2019 ikaw ba’y mananaginip pa rin
Mga pag-idlip ang aatupagin o ika’y gigising
Upang tuparin mga pangarap nakapako pa rin?

Larawan mula kay G. Raffy Tima ng GMA7-News. Ginamit ng mga kapahintulutan niya.