Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Ika-13 ng Pebrero 2019

Hinangaan at pinalakpakan
Nguni’t nang sabihin ang katotohanan
Siya ay ating pinagdudahan
Halos ipagtulakan palabas ng ating buhay.
Ganyang-ganyan din ginawa noon ng mga tao kay Hesus
Nang siya ay umuwi sa kinalakhang bayan
Nangaral sa sinagoga isang araw ng pamamahinga
Nang ang lahat ay namangha ngunit nagduda rin sa kanya.
Gayon pa man sa ating pabago-bagong pamamaraan
Patuloy pa rin si Hesus sa pagdaraan
Dumarating sa araw-araw nating pamumuhay
Nangangaral, nag-aanyaya na tayo ay tumalima sa kanyang salita.
Ganyang-ganyan kanyang ginawa bago maghimala
Sa pangingisda nina Simon Pedro at mga kasama
Nang siya ay maupo at mangaral sa ibabaw ng kanyang bangka
Isang umaga sa may Lawa ng Genesaret.
Siya na makapangyarihan, Hari ng mga hari
Akalain mong manghiram ng bangka
At matapos makapangaral, nag-ayang pumalaot
Upang ihagis mga lambat sa dakong kalaliman?!
Ganyang-ganyan din sa atin si Hesus
Hinihiram maraming nasa atin
Tulad ng kayamanan, panahon at galing
Na ang totoo’y sa kanya naman lahat nanggaling.
Katulad ni Simon Pedro, sa atin ma’y nanghihiram ang Diyos
Ng ating mga sarili na maghapon at magdamag nagpapagal, wala pa ring huli;
Katulad ni Simon Pedro, pagbigyan nating makinig at tumalima sa Banal na Salita
Ipahiram natin sa Diyos lahat ng sa atin, tiyak magiging malalim yaring buhay natin!
