Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Setyembre 2025

Tayong mga Pinoy ay mayroong nakakatawang kaugalian ng pagkahumaling masyado sa ating upuan. O silya. O kung ibig ninyo ay salumpuwit sa malalim na salin sa ating wika.
Mula sa ating mga tahanan hanggang sa simbahan at silid-aralan, sa mga sasakyan, mayroon tayong mga paboritong upuan na atin nang inangkin na sariling puwesto, hindi puwedeng upuan ng iba. Sa jeep at bus, lahat gusto sa may estribo. Ganun din sa LRT/MRT. At maski sa eroplano kaya nakakahiya sa mga paliparan sa abroad ang mga kababayan natin na nag-uunahan kapag boarding time na gayong mayroon namang ticket ang bawat isa! Sa sinehan man ay ganoon din. Hindi mo malaman kung likas na tanga o maarte lang na ayaw sundin kinuhang number ng upuan kasi gusto pala ibang puwesto.

Likas marahil ito sa lahat ng tao bunsod ng sinasaad na kapangyarihanng bawat upuan na tinagurian ding luklukan o trono. Hindi man natin aminin, kapangyarihan ang dahilan bakit lahat sa atin ay ibig maupo malapit sa pintuan ng silid at ng sasakyan: hindi lamang para mabilis na makaalis kungdi upang wala ring makapigil na maliwanag na simpleng pagsasaad ng ating ambisyong maging boss na palaging nasusunod maski saan.
At siyempre, ang malalim at mabigat na dahilan ng ating pagkahumaling sa puwesto ng upuan ay ang kapangyarihan at katanyagang dala nito. Kung hindi ka man nasa kabisera na tinuturing siyang puno ng pagdiriwang, hangga’t maari ibig natin ay makadikit sa nakaluklok sa puwesto ng kapangyarihan. Kaya chairman ang pinuno ng ano mang samahan o komite, taglay ay pawang kapangyarihan. Pagmasdan gaano tiisin kanilang almoranas ng mga pulitiko at sabik sa puwesto basta manatiling naka-upo sa puwesto hindi sa paglilingkod kungdi para sa kapangyarihan at kayamanang kaakibat ng bawat posisyon. Suma total, sa upuan nararamdaman natin pagiging hari at reyna, pagiging panginoon at makapangyarihan. Wika nga sa Inggles ay “driver’s seat” – kung sino may hawak ng manibela siya masusunod kung saan pupunta.
Naalala ko lang… noong mga bata pa kami kapag sumasakay ng taxi, palaging sinasabi ng aming ama sa pagbibigay ng direksiyon sa drayber ay silya at mano. Silya kung liliko sa kaliwa dahil ang silya o upuan ng kutsero ay nasa kaliwang bahagi ng kalesa; liliko naman sa kanan kapag sinabing mano na Kastila sa “kamay” dahil hawak ng kanang kamay ng kutsero ang latigo o pamalo sa kabayo para lumakad o tumakbo at huminto. Kaya noon pa man maski sa kalesa, ang silya ay nagpapahiwatig na ng kapangyarihan!

Hindi masama ang kapangyarihan kung ito ay ginagamit sa kabutihan. Alalahanin tayo bilang tao ay binahaginan ng Diyos ng kanyang kapangyarihan upang malinang ang daigdig at matulungan ating kapwa.
Kaya nang pumarito si Jesus, palagi niyang nililiwanag ang aspektong ito ng ating buhay, ang wastong pag-gamit sa ating kapangyarihan na pakikibahagi lamang sa otoridad ng Diyos.
Doon sa kanyang Huling Hapunan ipinakita ni Jesus ang tunay na kahulugan ng ating “seating position” nang siya ay tumindig at hinubad ang kanyang panlabas na damit upang hugasan mga paa ng kanyang mga alagad. Ang gawaing iyon ay para lamang sa mga alipin ngunit ginampanan ni Jesus upang makintal sa ating mga isipan at kamalayan na ang buhay ay wala sa ating upuan kungdi nasa paninindigan.

Para kay Jesus, hindi mahalaga kung saan ka nakaupo, kung ano ang iyong posisyon at kapangyarihan. Ang pinakamahalaga sa Panginoon ay kung saan tayo nakatindig o nakatayo, kung tayo ba ay maninindigan katulad niya para sa kabutihan, katotohanan at katarungan.

Bisperas ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Jesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag nin yo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan” (Juan 13:1, 4-5, 12-15).
Para kay Jesus, ano mang posisyon o katungkalan ay para sa mapagmahal na paglilingkod sa kapwa (loving service to others). Kaya naman tinagurian ding “Maundy Thrusday” ang Huwebes Santo – mula sa salitang Latin na kautusan o mandatum – dahil noong gabing iyon nang ibigay ni Jesus ang kanyang utos ng pagmamahalan sa kanyang mga alagad. Ang sino mang tunay na nagmamahal tulad ni Jesus ay palaging nakatindig at naninindigan para sa minamahal. Walang tunay na nagmamahal nang naka-upo lamang, pa sitting pretty wika nga.

Ito ang trahedya natin sa Pilipinas. Napakaraming nakaluklok sa iba’t-ibang upuan ng kapangyarihan ngunit hanggang ngayon ay kulelat pa rin tayo bilang bansa dahil wala namang tunay na naninindigan at nagmamahal sa bayan.
Pagmamahal sa sarili ang namamayani sa halos lahat. Kaya naman ang puwesto ay hindi sa paglilingkod kungdi sa pangsariling kapakanan ng mga nakaupo na palaging panig sa mga mayayaman at makapangyarihan. Pawang pakitang-tao lamang mga pagtulong sa maliliit at mahihirap ng maraming nakaupo saan mang puwesto maging mga dating nasa media na nang matikman tamis ng pulitika, lumabas kanilang tunay na kulay.
Palaging katabi ng upuan ay pera kaya naman sa halos lahat ng mga sala ng mga hukom mula Korte Suprema hanggang sa mga munisipyo, maraming kaso inuupuan na tanging katarungang mithi ng mga inapi hindi pa makamtan. Gayon din sa mga ahensiya ng pamahalaan. Puro pasarap sa puwesto mga bossing, naghihintay lamang ng lagay at pabuya kaya kulang at kulang pa rin mga buwis na pinapataw sa mga ordinaryong mamamayan.
At siyempre, hindi magpapahuli ang mga nasa rurok ng luklukan ng kapangyarihan – ang Malacanang at ang Kongreso na alam naman ng lahat ang matagal nang siste ng talamak na korapsiyon.
Ano pa ang ating aasahan kung nakapasok na sa sistema ng pamamahala ang mga mandarambong at sinungaling na pulitiko sa palasyo, kongreso at senado, kapitolyo at munisipyo pati na rin mga munting barangay hall? Sa gara at lambot marahil ng kanilang mga upuan, wala nang upisyal ang ibig tumindig at maninindigan liban sa iilan para sa katotohanan, kaayusan, katarungan at higit sa lahat, para sa bawat mamamayan.

Kailan kaya darating ang panahon na matupad ang sinabi ng Panginoong Jesus na ang “nagpapakataas ay ibaba, at ang nagpapakababa ay itataas” (Lk. 14:11)?
Marahil kapag tumugon na rin tayong lahat sa kanyang panawagang manindigan sa pagtayo mula sa ating komportableng upuan ng kawalan ng pakialam sa lipunan, hindi nasusuhulan lalo na kung halalan. Marahil kapag tumugon na rin ang sambayanan sa panawagan ni Jesus na gumising at tumindig sa paanan ng kanyang Krus upang kasama niya tayong masaktan, masugatan, at mawalan ng lahat para sa tunay na pagpapanibago.
Hangga’t pinipili natin ang masarap na upuan ng kawalang-pakialam sa mga kasamaang umiiral, darating ang panahon hindi na rin tayo makatatayo upang manindigan dahil sa pagkabaon at hindi na tayo makaahon pa sa gulo at pagkawasak sa ating lipunan. Huwag natin iyang payagang mangyari kaya’t makiisa sa mga talakayan at higit sa lahat manalangin para sa paninindigan at kabutihan. Amen.
