Araw-araw “Araw ng mga Ina”

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Hunyo, 2024

Larawan kuha ng may-akda, Our Lady of Fatima University-Sta. Rosa, Laguna, 2023.
Mula pa man noong una
pinuna ko na pagdiriwang
ng araw ng mga ina
at araw ng mga ama
dahil sa katawa-tawang
pagbati nila:
"Happy Mother's Day" sa lahat ng Ina!
"Happy Father's Day" sa lahat ng Ama!
Kanino pa nga ba
araw ng mga Ina kungdi
sa mga nanay at ang araw
ng mga Ama kungdi sa mga tatay?
Kaya hindi ko mapigilang matawa
sa tila dispalenghagang turing nila
na mother's day sa mga Ina
at father's day sa mga Ama:
e para kanino pa nga ba mga
araw na iyon?
Nguni't sadyang mapagbiro
itong tadhana
nang aming ihatid si ina
sa kanyang himlayan noong
Sabado, kinabukasa'y
ikatlong Linggo ng Mayo,
Araw ng mga Ina;
hindi na ako natawa
bagkus naiyak nang makita
sa social media napakaraming
pagbati sa kani-kanilang ina
ng Happy Mother's Day;
noon ko higit nadama
sakit ng pagiging ulila sa ina,
kalungkutan ng pangungulila
sa nanay na hindi na makikita,
mahahagkan at mayayakap
palaging tanong kung ako'y kumain na?
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 2023.
Tinakda ang Araw ng mga Ina
tuwing ikatlong Linggo ng Mayo
upang parangalan
kadakilaan nila
ngunit kung tutuusin
araw-araw
ay Araw ng mga Ina
dahil wala nang hihigit pa
sa pag-ibig nila sa atin
katulad ni Jesus
sarili'y sinaid at binuhos
matiyak ating kaligtasan,
kapayapaan
at katiwasayan;
hindi sasapat
isang araw ng Linggo
taun-taon
upang mga ina ay pagpugayan,
parangalan at pasalamatan
dahil sa bawat araw ng kanilang
buhay, sarili kanilang iniaalay;
batid ng mga nanay
lilipas kanilang buhay
maigsi lamang kanilang panahon
kapos buong maghapon
walang sinasayang na pagkakataon
pipilitin pamilya ay makaahon
sa lahat ng paghamon.
May kasabihan mga Hudyo 
nilikha daw ng Diyos ang mga ina 
upang makapanatili Siya sa lahat
ng lunan at pagkakataon;
hindi ba gayon nga kung saan
naroon ang nanay, mayroong buhay
at pagmamahal, kaayusan at kagandahan
kaya naman sa Matandang Tipan
matatagpuan paglalarawan 
sa Diyos katulad ng isang ina:
"malilimutan ba ng ina
ang anak na galing sa kanya,
sanngol sa kanyang sinapupunan
kailanma'y di niya pababayaan;
nguni't kahit na malimutan
ng ina ang anak niyang tangan,
hindi kita malilimutan"; iyan ang 
katotohanan ng Diyos at mga ina 
mapanghahawakan
hanggang kamatayan.
Photo by Pixabay on Pexels.com

Leave a comment