Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Hunyo 2019
Mga tindang prutas at gulay sa palengke ng Jerusalem. Larawan kuha ng may-akda, Abril 2017.
Pabalat-bunga
Ang patalinhagang pagsasabi ng hindi totoo
Upang hindi makasakit damdamin ng tao.
Mema ang tawag ngayon dito
Basta may masabi lang
Katulad ng balat na walang kabuluhan.
Hindi naman masama
Magpabalat-bunga lalo na't
Kulang sa delicadeza iyong kausap.
Iyon nga lamang
Madalas at di minsan
May mga tao di marunong kumilala.
Sa harap ng pabalat-bunga
Sila'y nakanganga
Isusubo't lalamunin pati balat ng bunga.
Wala nang kahihiyan
Basta ang tiyan mayroong laman
Maski basurang pinagbalatan.
Kaya't isipin ninyo na lamang
Mga taong ganyan kumakain pati balat ng bunga
Tiyak sila ma'y mga patola!
Larawan mula sa Google.