Mahiya naman kayo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Oktubre 2025
Photo by Amr Miqdadi on Pexels.com
Doon sa amin 
sa lalawigan ng Bulacan
mayroong kasabihan
"mahiya lang
ay tao na."
Totoong-totoo 
at napapanahon
ang kasabihang ito
sa dami ng mga tao
ang wala nang kahihiyan
sa pag-gawa ng mga
katiwalian at kasamaan,
sa pagsisinungaling
at lantarang pambabastos
sa ating pagkatao;
marahil ganoon 
na nga katalamak
at kakapal ng kanilang 
pagmumukha
na hindi na nila alintana
kanilang kahihiyang
kinasasadlakan 
na dapat sana'y 
itago kahit man lang 
pagtakpan kesa 
ipinangangalandakan
tila ibig pang ipamukha
sa madla na wala silang
ginagawang masama.
Ang masaklap
nating kalagayan sa ngayon
ay ang wala nang kahihiyan
ng karamihan na higit pang
masama sa mga walang-hiya.
Madaling maunawaan
matanggap mga walang-hiya
kesa walang kahihiyan;
kalikasan ng mga walang-hiya
ang hindi mahiya
ni matakot sa kanilang
mga gawaing masama
katulad ng mga holdaper,
snatcher, kidnapper
kasama na mga mambubudol
at manunuba sa utang
at iba pang mga kriminal;
mga walang-hiya sila kaya
wala silang mabuting gagawin
kungdi kasamaan
kaya pilit nating iniiwasan
bagamat mahirap silang
kilalanin ni kilatisin
mahirap iwasan
at kapag ika'y nabiktima
napapabungtung-hininga
ka na lang
sa pagsasabi ng
"walangyang yun!"

Higit na malala
at masama sa mga walangya
ang walang kahihiyan:
sila mga tinuturing na
mararangal sa lipunan,
nakaaangat sa kabuhayan,
magagara ang tahanan,
nagtapos ng pag-aaral
sa mga sikat na pamantasan
at higit sa lahat,
kadalasan laman ng simbahan
araw-gabi sa pananalangin
ngunit kanilang loobin puno
ng kasakiman
kaya wala silang kahihiyan
magkunwaring banal kahit asal
ay gahaman sa salapi at karangalan;
ang mga walangya maski papano
marunong mahiya
mukha ay tinatakpan
upang hindi makilala
sa gawang kasamaan
ngunit itong mga walang kahihiyan
ay talaga naman
ubud ng kapal
mga pagmumukha
akala walang nakaaalam
sa mga gawa nilang kabuktutan!
Labis kanilang kasamaan
kaya wala silang kahihiyan
maging katawan hinuhubaran
ipapakita konting laman
upang hangaan kanilang kagandahan;
kulay apog sa pagkahambog
nasanay na sa mabaho nilang amoy
na umaalingasaw habang
kanilang pinangangalandakan
kanilang inaakalang husay
at galing parang mga matsing
nakalimutang sa kanilang
katalinuhan sila'y
napaglalalangan din!
Matatagpuan itong
mga walang kahihiyan
kung saan-saan
di lamang sa pamahalaan
kungdi maging sa ating
mga tahanan at kamag-anakan
na pawang kay hirap pakisamahan
dahil nga wala nang kahihiyan
mga puso at kalooban
namanhid na sa kasamaan
at kasalanan
kaya't panawagang
"mahiya naman kayo"
hindi sila tinatablan
pakiwari'y walang
dapat pagsisihan
ni ihingi ng kapatawaran;
mabuti pa mga walangya
nakokonsiyensiya
nagsisisi at humihingi
ng tawad
ngunit mga walang kahihiyan,
wala nang pagkukunan
kanilang pagkatao'y
naglaho na
parang mga ungguy!
Photo by Francesco Ungaro on Pexels.com

Walang-hiya at walang kahihiyan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Marso, 2023
Larawan kuha ng may-akda, Enero 2021.
Doon sa matandang simbahan ng Parokya 
ni San Ildefonso sa bayan ng Tanay, Rizal
makikita kakaibang pagsasalarawan
ng Ikapitong Estasyon ng Krus ng
madapa si Hesus sa ikalawang pagkakataon:
naroon mga sundalong Romano
ngunit mukhang Pilipino
 kayumanggi ang kutis
pati mga hugis ay malapad
at malalaki mga mata;
sa halip na espada,
bolo kanilang dala,
walang trumpeta
kungdi tambuli
ang hinihipan ng isa.
Ngunit ang kakaiba sa lahat
ang isa sa mga naroon
suot ay antipara na may kulay
tila rakista, parang RayBan
kung titingnan;
walang makapagpaliwanag
sino ang misteryosong ginoo
maliban sa turing ng karamihan
iyon daw si Caiphas
ang punong pari noon
na namuno upang ipapako sa Krus
si Hesus;
bakit siya may salamin,
walang makapagsabi
ngunit sa atin may malalim na bilin.
Huwag ninyong masamain
bagkus ay pagtantuin at namnamin
sinasabi sa atin ng ukit kahit mahigit
tatlong daang taon na nang gawin
malaking kaibahan ng walang-hiyang tao
sa taong walang kahihiyan;
sa Pasyon ng Mahal na Poon
maging sa ating makabagong panahon
mga taong masasama tinatawag
na walang-hiya, hindi nahihiya
sa pagpapakasama;
ngunit mas masama kaysa kanila
mga taong walang kahihiyan,
kanilang kasamaan di alintana
sa pag-aakala sila ang palaging tama!
Ngayong Viernes Dolores
papasok na tayo sa Semana Santa
suriin ating mga mata
baka antiparang suot 
ay malabo na o baka katulad 
ng kay Caiphas doon sa Tanay
madilim ang kulay 
si Hesus nadapa ay hindi matanaw
ni sulyapan ay ayaw;
masahol pa sa walang-hiya
na likas ang kasamaan
dahil ang taong walang
kahihiyan ipangangalandakan
akala niyang kabutihan
sagad na kasamaan!
Sabi ng matatanda,
mahiya lang ay tao na
nguni't papaano
kung hindi na tablan
ng ano mang kahihiyan
 pakiramdam nasa kabutihan?
Ito ating tandaan
hangga't mayroong
kahihiyahan ang sino man
hindi malayo
siya ay nasa kabutihan
dahil walang nasa katinuan
ang ipagmamalaki ang kasamaan
na maging mga walang-hiya
ikinahihiya man!
Larawan kuha ng may-akda, Enero 2021.