Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, 26 Setyembre 2019
Larawan kuha ni G. Jim Marpa sa Carigara, Leyte, Setyembre 2019.
Kay sarap pagmasdan at maliliman lalo na sa gitna ng kainitan ng matayog na puno may malalabay na sanga mga dahong luntian.
Mainam ding pagnilayan talinghagang nababalot nitong larawan mga kahulugan at kaugnayan ng mga kataga na puno at pinuno sa punong kahoy din naka-ugat.
Husay ng ano mang puno ng tahanan at pamayanan, tanggapan at paaralan, simbahan at pamahalaan natatagpuan sa kabuuan, walang kasiraan.
"Integrity" sa Inggles hiniram sa wikang Latin, "integer" at "integritas" na kahuluga'y "intact" o buo: nakakabit, sama-sama hindi sabog at kalat-kalat.
Ito ang tinaguriang integrity: karangalan dahil buo ang pagkatao nababakas sa kanya larawan at wangis ng Lumikha na Siyang pinagmumulan at pinag-uugatan ng ating katauhan at karangalan.
Sa isang pinuno, ito ang batayan at ugat ng kanyang pamumuno buo at hindi wasak, may kaisahan kanyang iniisip, sinasabi at ginagawa kaya siya ay buo at mayroon karangalan.
Malalaman natin kung tunay at hindi huwad ating pinuno kapag kanyang katauhan ihalintulad sa punong kahoy upang matukoy kanyang karangalan.
Malalim ba kanyang pagkakaugat sa katotohanan at kabutihan hindi pumapanig at di mabubuwal ng kasinungalingan?
Matuwid at matayog ba kanyang mga pananaw at inaasam, sinisikap matanawan, masundan kaliwanagan ng katotohanan at katuwiran?
Nagsasanga hindi ang dila kungdi mga bisig upang abutin di lamang langit kungdi iba pang sanga upang lumabay at liliman sino mang kumakanlong?
Katulad ng puno ng kahoy ikababagsak o ikatatayog ng sino mang puno ng sambahayan, pamayanan, pamahalaan, at simbahan ay nasa kayang kabuuan o karangalan bilang nilalang.