
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Marso 2019
Apatnapung araw nag-ayuno si Kristo
Nang siya ay tinukso ng diyablo:
“Kung ikaw ang Anak ng Diyos,
Gawin mong tinapay itong bato.”
Gutom at walang laman tiyan ni Kristo
Ngunit hindi napatangay sa tukso ng diyablo
Hindi siya nalito, naging matibay tulad ng bato
Na buhay ng tao higit nakasalalay di lamang sa tinapay
Kungdi sa Salita ng Diyos na bumubuhay, gumagabay na tunay.
Ito ang pangunahing katotohanang
Dapat nating pakatandaan
Na hindi sapat, at lalong di dapat
Tayo ay mapuno at mabusog
Ng mga bagay ng mundo upang hindi matukso at malito.
Maraming pagkakataon
Lalo tayong nababaon
Sa balon ng pagkagumon
Kapag lahat tayo ay mayroon
Na malayo naman sa naaayon.
Sa pag-aayuno tayo napapanuto
Tumitibay ating pagkatao
Nawawala pagkalito sa higit na totoo
Na si Hesu-Kristo naparito upang samahan tayo
Maiwaksi at malampasan maraming tukso.
Mangyayari lamang ito kung tulad ni Kristo
Masasaid natin ating sariling kalooban
Di lamang bawasan kungdi mawalan ng laman
Magkaroon ng puwang sa ating kalooban
Diyos na ating tanging yaman.
