Ang Pasyon sa buhay-pananampalataya nating mga Pilipino

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Abril 2025
Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Para sa mga tulad ko na promdi – laking probinsiya – ang mga Mahal na Araw ay pinababanal ng magdamagan at maghapong Pabasa ng Pasyon ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

Sa katunayan, isa ito sa mga eksenang aking kinagisnan mula pagkabata kaya taun-taon, ako man ay bumabasa ng Pasyon lalo na noong buhay pa aking ina at kami man ay nagpapabasa sa aming bahay sa Bocaue, Bulacan. Tuwing ganitong panahon, hinahanap ng aking katawan ang pagbasa ng Pasyon kaya noong isang taon, dumayo ako sa dati kong parokya.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Anong laki at bagong kaalaman ang aking nabatid noon!

Ito palang mga salita ng ating unang Santo na si San Lorenzo Ruiz ay kanyang kinuha sa Pasyon!

Batay sa ating kaalaman, sinabi ni San Lorenzo noon sa harapan ng kanyang mga taga-usig sa Japan na “isang libong buhay man ang ibigay sa kanya, isang libong ulit niyang iaalay ang mga ito sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”

Nguni’t, pagmasdan ninyo itong aking nabatid sa Pasyon:

Larawan kuha ng may-akda, Biyernes Santo, 2024.

Batay sa tradisyon, si Longinus na tinuturing dito sa Pasyon na Longino ang sundalong Romano na umulos ng sibat sa tagiliran ni Jesus habang nakabayubay doon sa krus; mula sa sugat na iyon dumaloy ang dugo at tubig sa Kanyang tagiliran na siyang bukal ng habag at awa ng Diyos sa sangkatauhan (fount of Divine Mercy).

Para sa akin, isang magandang katotohanan ang sinasaad ng bahaging ito ng Pasyon: maaring bukod sa bibliya at katesismo, bumabasa rin ng Pasyon noon at marahil katulad ng ilan hanggang ngayon, kabisado ito ni San Lorenzo Ruiz kayat nausal niya mga pananalitang iyon.

Dito rin nating makikita na sa kabila ng maraming kamalian at mga samo’t saring bagay na kailangang isaayos sa Pasyon, malaki rin ang papel nito sa paghubog sa ating pananampalatayang Kristiyano.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Maituturing ang Pasyon ay isa sa mga una at malalaking hakbang ng inculturation ng Kristiyanidad sa kalinangang Pilipino.

Nagsimula ang Pasyon sa tradisyon ng mga katekista na sinusugo ng mga pari noon sa malalayong lugar upang samahan sa pananalangin ang mga naghihingalo. Bahagi rin ito ng tinaguriang “pa-Jesus”, mga paulit-ulit na panalangin tulad ng litanya habang ipinagdarasal ang naghihingalo. Kaya ang tagpo ay mula sa pagpapakasakit at kamatayan o Pasyon ng Panginoon ang ginagamit. Humaba ito ng isang aklat dahil naman sa kadalasan inaabot ng magdamag o maghapon ang paghihingalo bago tuluyang malagot ang hininga.

Mahalagang alisin sa isipan ng karamihan na hindi talambuhay ni Jesus ang Pasyon. Hindi rin ito lahat mula sa mga tagpo sa Bibliya habang ang ilang mga kuwento ay halaw sa tradisyon. Una itong tinipon at pinagsama-sama bilang aklat ni G. Gaspar Aquino de Belen, isang makata na tagasalin buhat sa Rosario, Batangas noong 1703 na inaprubahan ng mga kinauukulan sa Simbahan nang sumunod na taon.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Hindi maikakaila na maraming Pilipino noon namulat sa Krstiyanidad dahil na rin sa Pasyon dahil na magiliw na pamamaraan nito ng paglalahad ng mga aral at kuwento ng pakanta. Kaya naman nang malaunan sa paglaganap nito, isinaayos na rin ito batay sa kautusan ng mga obispo at pari habang mayroong ilang sipi na mismong gawa ng pari.

Sa sawimpalad, hindi naisaayos maraming kamalian nitong Pasyon. Kinausap ko aking kaibigan at kaklase na bumabasa rin ng Pasyon, si P. Ed Rodriguez at narito dalawang halimbawa aniya na dapat ayusin sa Pasyon:

At sa Henesis na libro,
Nalalaman ay ganito:
Nang lalangin itong mundo
Nitong Diyos na totoo,
Kaarawan ng Domingo.

Paliwanag: ang sinasabi lamang po sa Henesis ay “dumating ang kinagabihan at sumunod ang umaga, ang unang araw”. Wala pa pong pangalan ang mga araw ng sanlinggo noong isulat ang Henesis.

Gayon din naman, maraming kamalian ang sinasaad sa Pasyon ukol sa Mahal na Birheng Maria na malayo sa katotohanan katulad nito ayon kay Fr. Ed:

Sa maganap ang totoo
At araw ay mahusto
ng ipanganak na ito,
Agad dinala sa templo
Si Mariang masaklolo.

Hindi naman po inaalay sa templo ang anak na babae ng mga Hudyo; ang panganay na lalaki lamang ang inihahandog sa templo katulad ni Jesus na ating ipinagdiriwang sa Candelaria o Pebrero dos.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025; imahen ng Dolorosa, ang nahahapis na Birheng Maria.

Marami pang ibang dapat itama at isaayos sa Pasyon upang higit natin itong mapangalagaan at mapanatili sapagkat isa itong buhay na patunay ng ating maganda at Kristiyanong kalinangan.

Nakatutuwa na maraming parokya ang nagpapabasa na sa ngayon upang maituro at maipagpatuloy ito ng mga bagong henerasyon. Tama ang maraming diyosesis na mayroong mga alituntuning itinakda sa pagbasa o pag-awit ng Pasyon: hangga’t maari ay huwag itong gawing biro na kung saan inilalapat ang mga makabagong tono ng tugtugin lalo na yaong mabibilis at mahaharot. Dapat palaging isaalang-alang ang kasagraduhan nitong Pasyon na tumutukoy sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus.

Gayun din naman, nagtuturo ang Pasyon ng kaisahan ng pamilya at pamayanan kaya dapat ito ipagpatuloy at palaganapin. Maraming pamilya noon maging hanggang ngayon ang nagkakaisa na basahin ng buong mag-anak ang Pasyon bilang tradisyon at panata nila.

Sakali mang mayroong pampublikong pabasa, maaring paghatian ng mga pamilya ang gastos sa pagkain kaya sa maraming bayan at barrio, hinahati ang aklat ng Pasyon sa dalawang pamilya para hindi mabigat ang pagpapakain sa mga tao.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025.

Gayon din naman, ang pagkain o handa sa pabasa ay tinatawag na caridad o charity – bukod sa pagpapakain sa mga bumabasa, naghahanda ang nagpapabasa upang pakainin din yaong mga maliliit nating kapatid na dukha at kapus-palad. Nakakalungkot lamang na mayroong mga tao ang inaabuso ang caridad sa pabasa na nilulusob ng mga tinaguriang “PG”.

Hindi pa kay gandang halimbawa ito ng pagbubuklod ng mga pamilya at angkan?

Higit sa lahat, nabubuklod ang pamayanan ng pabasa ng Pasyon dahil mayroong schedule ang mga pabasa. Hindi basta-basta maaring magpabasa sa isang nayon dahil sa bawat araw, isa lang ang pabasa na maaring ganapin para isa lamang ang pupuntahan. Kaya nga noong araw sa mga nayon kay gandang balikan itong kaisahang ito ng mga kababayan natin tuwing panahon ng mga Mahal na Araw.

Bukod tangi ang pamamaraan ng pabasa ng Pasyon dahil ito ay makata o patula na inaawit, nakakaaliw lalo na kung nakasaliw sa musika.

Larawan kuha ng may-akda, taunang Pabasa ng Lunes Santo sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela City, 14 Abril 2025; imahen ng Ecce Homo, si Jesus nang iharap ni Pilato sa mga tao matapos ipahagupit.

Isang kakaibang paraan ng pagtuturo o pedagogy na magaan at madaling matutunan at higit sa lahat, kaagad nadarama.

Kung baga, mayroong kurot sa puso at kalooban kaya nanunuot ang mga turo at aral. Isipin na lamang natin paanong nakatulong itong Pasyon maging sa ating unang Santo na si San Lorenzo Ruiz na sa kanyang kamatayan ang mga namutawi sa kanyang mga labi ay buhat sa Pasyon.

Sa inyong pag-uwi sa inyong mga lalawigan ngayong Mahal na Araw, sikaping bumasa ng Pasyo upang maranasan ang lalim ng ating pananampalataya at kagandahan ng ating kalinangan.

Narito dalawang video ng aming pabasa kahapon, Lunes Santo dito sa Parokya ng Pambansang Dambana ng Fatima sa lungsod ng Valenzuela. Buhat sa bayan ng Malabon ang aming nakuhang musiko sa tumugtog mula ika-pito ng gabi hanggang ika-sampu ng gabi.