Magtanong Kay Hesus, Sagot Niya’y Nasa Krus

Lawiswis ng Salita//P. Nicanor F. Lalog II//Ika-06 ng Nobyembre 2018

IMG_2434

Madalas ako ay nagtatanong
Kay Hesus na ating Panginoon
Mga sari-saring bagay
Kadalasa’y sumasagitsit sa aking pagninilay.
At sa tuwing ako’y may katanungan
Naroon akong lagi sa paanan ng krus Niyang banal
Kung saan din aking natagpuan itong katotohanan
Na sa bawat katanungan kay Hesus,
Sagot Niya’y naroon din sa Kanyang Krus!
Halika, inyong subukan inyong katanungan
Upang masakyan aking pakahulugan:
         Hesus, ako ba ay iyong mahal?
                 Tingnan Kanyang sugatang katawan, huwag nang mag-alinlangan.
          Hesus, bakit ako’y laging nahihirapan?
                  Pagmasdan kanyang pinasan, ika’y magagaanan.
          Hesus, ika’y nasaan sa aking kagipitan?
                 Bago pa man itong aking pinagdaraanan, naroon na Siyang unang nasaktan!
Laging pakatandaan, ano man ang ating katanungan
Sagot matatagpuan sa sugatang Niyang katawan
Na Kanyang inalay bilang katubusan sa ating mga kasalanan
Na siyang pinagmulan nitong marami nating katanungan.
padrepioresize
*Salamat sa larawan kuha ng dati kong mag-aaral sa ICSB, Arch. Philip Santiago noong Setyembre 27, 2018 sa Simbahan ng San Giovanni Rotondo, Italya kung saan naglingkod si San Padre Pio.  Isa ito sa mga mosaic doon nagsasaad ng malalim niyang debosyon sa nakapakong si Kristo gaya ni San Francisco ng Assisi.  Kapwa sila biniyayaan ni Hesus ng stigmata, mga sugat tulad ng tinamo Niya noon sa krus.

Kung Ikaw Si Bartimeo?

LordMyChef      “Lawiswis ng Salita”     Ika-30 ng Oktubre 2018

IMG_2434

Hanggang ngayo’y hindi ko makalimutan
Magandang tagpo ng ebanghelyo nitong Lingong nagdaan
Kuwento ng bulag na si Bartimeo, isang pulubi sa gilid ng daan.
Sa kanyang kapansanan ay siya lamang nakaalam
Kay Kristong dumaraan kaya’t siya’y dumalanging pasigaw
“Hesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
 
Ngunit siya’y pinagsabihang manahimik
Kaya’t lalo pa niyang ipinilit kanyang giit,
“Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
Tumingin at tumigil si Hesus upang siya’y tawagin at tanungin,
“Ano ang ibig mong aking gawin?”
“Panginoon, ibalik po ninyo aking paningin” agad niyang hiling.
Kung ikaw si Bartimeo tatanungin ng Panginoon natin
“Ano ang ibig mong aking gawin?”
Ano nga kaya ang iyong hihilingin?
Mga palagiang alalahanin tulad ng salapi at pagkain?
O mga lugar na inaasam, minimithing marating?
O marahil ay alisin mga pasanin at dalahin?
Sadya namang marami tayong naisin at ibig hilingin sa Panginoong natin
Ngunit kung ating lilimiin bulong ng ating saloobin at damdamin
Isa lang naman kung tutuusin kailangang natin:
Nawa tulad ni Bartimeo, mabuksan mga paningin natin
Upang pananampalataya ay mapalalim
At maliwanagan itong buhay natin.
Aanhin mga malinaw na mata na sa kinang ng ginto at pilak nahahalina
Ngunit di makita ni makilala mga taong tunay at tapat nagmamahal sa atin
Na pawang salamin ng Diyos nating butihin.
Kaya kung sakaling ikaw ay hihiling, si Bartimeo ang gayahin
Sana’y huwag mong limutin, kaliwanagan sa puso’t loobin
Upang Diyos ang makita at kamtin at Siyang maghari sa atin.
bartimaeus
*Unang larawan ay kuha ng may-akda sa Sonnemberg Mountain View, Davao City, Agosto 2018.  Ang ikalawa nama’y hango sa Google Images.