It’s been raining in Manila, hindi ka ba nilalamig?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, RISE Tower, Our Lady of Fatima University, Valenzuela City, 28 Hulyo 2023.

Kung totoo mang ang paulit-ulit na pagkanta at pagpapatugtog ng awiting iyan ang dahilan ng patuloy na pag-ulan na nagbunsod ng malawakang pagbaha mula pa noong isang linggo… Sorry po! Patawad na po!

Hindi pa man dumarating ang bagyong Egay, na-LSS na ako nito na inawit ng grupo na tawag sa kanilang sarili’y Lola Amour. Nakakaaliw at nakakagaan ng loob kanilang musika habang matalinghaga naman mga titik ng Raining in Manila na naglalahad ng pangungulila sa sinta at irog ng isang binata.

Kaya naman ako po ay humabi ng iba pang awiting OPM (Original Pilipino Music) upang pagnilayan kahulugan ng ulan yaman rin lang na ngayon ang simula ng buwan ng Agosto na tinakdang Buwan ng Wika.

Larawan kuha ng may-akda, RISE Tower, Our Lady of Fatima University, Valenzuela City, 31 Hulyo 2023.

Madalas ang ulan ay dala ng bagyo na alalaongbaga ay sumasagisag sa mga unos sa buhay lalo na sa lovelife. Buhos at humahampas na tila sigwa sa dagat ang ulan lalo na kung magulo at masalimuot ang relasyon na humahantong sa masakit na paghihiwalayan.

Ito ang karanasang inawit ng “kilabot ng mga kolehiyala” na si G. Haji Alejandro noong 1978 sa awiting sinulat ni Jim Paredes ng Apo Hiking Society at pinamagatang Nakapagtataka.

Hindi ka ba napapagod
O di kaya nagsasawa
Sa ating mga tampuhang
Walang hanggang katapusan
Napahid na’ng mga luha
Damdamin at puso’y tigang
Wala nang maibubuga
Wala na ‘kong maramdaman
Kung tunay tayong nagmamahalan
Ba’t di tayo magkasunduan oh
Walang tigil ang ulan
At nasaan ka araw
Napano na’ng pag-ibig sa isa’t isa
Wala na bang nananatiling pag-asa
Nakapagtataka saan na napunta

Ganun talaga ang buhay, nakapagtataka; walang tigil ang ulan, hirap kumilos kaya inaasam natin pagsikat ng araw. Pero kapag sobra naman ang init ng panahon at natitigang ang lahat pati ating buhay, hiling natin ay ulan?! Sadya nga yatang mahirap ispellingin itong buhay dahil minsan-minsan ay Umaaraw, Umuulan ayon sa Rivermaya noong 2001. Ngunit ang masakit sa lahat, hindi kayang hugasan ni linisin ng ulan ang sakit at sugat sa pusong nabigo ayon naman sa Cueshe noong 2005:

Iniwan mo akong nag-iisa
Sa gitna ng dilim at basang-basa pa sa ulan
Pero wag mag-alala di na kita gagambalain
Alam ko namang ngayon may kapiling ka nang iba
Tanging hiling ko sayo
Na tuwing umuulan
Maalala mo sanang may
Nagmamahal sayo
Caleruega, Enero 2023 kasama mga kaibigan, Teacher Melody at Teacher Ceh.

Gayon pa man, sa ulan nasusukat pagsasamahan at pagkakaibigan, lalo ng mga magkasintahan gaya ng nasasaad sa Tuwing Umuulan at Kapiling Ka na sinulat ni Maestro Ryan C. Cayabyab noong 1980 at unang nirecord ni G. Basil Valdez.

Kahanga-hanga ang titik at musika ng awiting ito na marahil maituturing nang classic.

Katunayan, tatlong ulit na itong na-cover nitong mga lumipas na taon nina Bb. Regine Velasquez, grupong Eraserheads at G. Noel Cabangon.

Sariwain ang walang kupas na kagandahan at kahulugan ng awiting ito:

Pagmasdan ang ulan, unti-unting pumapatak
Sa mga halama’t mga bulaklak
Pagmasdan ang dilim, unti-unting bumabalot
Sa buong paligid t’wing umuulan
Kasabay ng ulan, bumubuhos ang ‘yong ganda
Kasabay rin ng hanging kumakanta
Maari bang huwag ka nang sa piling ko’y lumisan pa?
Hanggang ang hangi’t ula’y tumila na
Buhos na ulan, aking mundo’y lunuring tuluyan
Tulad ng pag-agos mo, ‘di mapipigil ang puso kong nagliliyab
Pag-ibig ko’y umaapaw, damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa
Tuwing umuulan at kapiling ka

Napatunayan ko mismo sa aking blog ang walang kupas na appeal ng awiting ito noong ika-11 ng Hulyo 2021 nang iugnay ko sa ebanghelyo ng Linggong iyon. Mula noon hanggang ngayon, mayroong nagsesearch at bumabasa araw-araw sa aking blog na maaring puntahan sa https://lordmychef.com/2021/07/11/tuwing-umuulan-at-kapiling-ka-by-basil-valdez-1980/.

Marahil ay ipinahahayag kasi ng Tuwing Umuulan at Kapiling Ka ang pangunahing katotohanan na hindi lahat ng araw sa buhay natin ay maaraw at maliwanag – not all days are bright and sunny. Naroon din palagi ang kulimlim at pag-ulan. At higit pa sa pag-ulan ay ang pagsasamahan at pagmamahalan ng mga magsing-ibig!

Laging pakatandaan na sa tuwing pagkaraan ng mga ulan ang mga halaman at pananim ay luntian, punung-puno ng sigla at buhay!

Ganoon din sa ating sariling buhay. Tumitibay at lumalalim ating pagkatao at mga ugnayan sa mga pinagdaraanang pagsubok. Ang mga unos at ulan sa ating buhay ang nagbibigay at nagpapatingkad ng kulay at kahulugan nito. Kaya naman tinuturing ang ulan bilang biyaya at pagpapala ng Diyos gaya ng sinasaad sa iba’t ibang aklat ng Bibliya lalo na sa Matandang Tipan. Kamakailan ito ay ating natunghayan noong ika-15 Linggo ng karaniwang Panahon (Hulyo 16, 2023) nang inihalintulad ng Diyos ang kanyang salita sa ulan at niyebe:

"Ang ulan at niyebe
Paglagpak sa lupa'y di na
nagbabalik,
Aagos na ito sa balat ng lupa't
nagiging pandilig,
Kaya may pagkai't butil na
panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
Magaganap nito ang lahat kong
nasa" (Isaias 55:10-11)
Larawan kuha ng may-akda, Katmon Nature Sanctuary & Beach Resort, Infanta, Quezon, Marso 2023.

Ang ulan ang isa sa mga pinakamahusay na talinghaga sa ating buhay. Nasa ating pananaw at disposition kung paano nating titingnan itong buhay at mga kaakibat na paghamon gaya ng mapaglarong awit ng Apo Hiking Society noong aming kabataan ng 1978.

Radyo, TV at mga lumang komiks
Wala nang ibang mapaglibangan
At kung mayro’n kang tatawagan
30 sentimos, ika’y makakaltasan, ah-ha…
Umiindak ang paa sa kumpas ng tugtuging bago
Hanggang kumpas ka na lang at ‘di mo na alam ang tono
Sa paghinto ng ulan, ano ang gagawin?
Huwag nang isipin at walang babaguhin
Mabuti pa kaya, matulog ka na lang
Matulog na nang mahimbing
Pumapatak na naman ang ulan
Pumapatak na naman ang ulan
Pumapatak na naman ang ulan

Ito rin ang siyang sinasaad muli ng Rivermaya sa naunang kanta din nila na Ulan (1994) na ayon sa kanila ay “Hiwaga ng panahon//Akbay ng ambon//Sa piyesta ng dahon//Ako’y sumilong.”

Nawa ating matularan ang ulan, maibuhos ating sarili sa kapwa, lalo sa mga kaibigan at pamilya nang matighaw kanilang pagka-uhaw sa malasakit at pagmamahal. Mula bumbunan hanggang buong katawan, tayo ay maging ulan na nanunuot kapanatilihan (presence) hanggang kalamnan, sagad sa kaibuturan ng puso at kalooban na tayo ay kaibigang palaging maasahan, makakasama sa gitna ng ulan.

Hindi mapipigilan pagpatak at pagbuhos ng ulan. Ito ang hiwaga ng buhay. Ulan ang dumidilig sa tuyot na lupa, nagpapanariwa sa natitigang na sangnilikha. Kung tutuusin, ang buhay ay isang panahon ng tag-ulan.

At sa gitna niyan iisa lang ating masisilungan kungdi si Hesus na ating kapatid at tunay na kaibigan na sa atin ay nagsabi, “Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko… inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga” (Juan 15:14, 15-16).

Hayaan ninyong wakasan ko ang pagninilay na ito sa isang awitin ng Afterimage na sumikat noong 1994, Tag-Ulan. Subukang namnamin mga titik at damhin ang musika na tila baga ang Panginoong Hesus sa atin ang naghehele.

Hanggang sa susunod na pag-ulan, salamuch, kaibigan.

Mula YouTube.com.

3 thoughts on “It’s been raining in Manila, hindi ka ba nilalamig?

  1. I love the song “Tuwing umuulan ay kapiling ka.” I am very familiar with all the other songs except the song by Cueshe and the “It’s been raining in Manila.” But I googled them and listened to them and I like them too, especially the song by Lola Amour. Thank you.

    Liked by 1 person

Leave a reply to dandepadua Cancel reply