Hindi lamang minsan tinanong sa akin
sa isang panayam ng mga kabataan
alin daw ba ang dapat nilang pakinggan:
sigaw ng puso o sigaw ng isipan?
"Trending" ang tanong
at ang mabilis kong tugon
palagi nilang unang pakinggan
sinisigaw ng kanilang mga magulang!
Matapos ang tawanan
aking pinagnilayan at binalik
sa kanila isa pang katanungan:
ang puso ba ay humihiyaw
sa paghahayag ng kanyang kalooban?
Hindi ba maging kanyang pagtibok
sadyang napakahina, tayo ay hinihimok
taimtim na sa kanya makinig?
Kung ang puso ma'y
humihiyaw, isinisigaw
kanyang nilalaman
marahil wala tayong
masyadong alitan
at mga kaguluhan
dahil sa bawat pintig ng puso
naroon tinig ng pag-ibig na dalisay.
Naalala mo ba una mong pagsinta
first love kung tawagin
ngunit kay hirap limutin
kakaibang naramdaman
binabalik-balikan
sa lilim ng katahimikan
iyong iniingat-ingatan
na huwag mabunyag at malaman?
Noong bata pa tayo
at wala pang kamuwang-muwang
sa kalokohan at kasinungalingan
bulong ng puso madaling napapakinggan
ngunit sa ating pagtanda
puso atin nang tinuturuan
sariling kagustuhan
siyang laging sundin at pakinggan.
Humiyaw man ang puso
parating pabulong
hirap niyang maiahon
katotohanang ating binaon
kinukuyom-kuyom
naghihintay ng pagkakataon
pawalan katotohanang naroroon
pagdating ng panahon.
Sa tuwing ika'y nasasaktan
sa salitang sa iyo binitiwan
masakit dahil ito ang katotohanan
na noon mo pa alam
ngunit ayaw mong pakinggan
puso mo ay tinalikuran
kaya ika'y babalikan
ibabaon sa katotohanan.